ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Insidente ng rape sa Pangasinan, tumaas -- report


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagsasagawa ng crime prevention caravan ang pulisya sa Pangasinan para tumanggap ng reklamo at magbigay ng paalala sa publiko na maging maingat dahil na rin sa pagtaas ng kaso ng mga krimen sa lalawigan, kabilang na ang panghahalay.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing kabilang sa mga pinaalalahanan ng pulisya ay ang mga mag-aaral.

Sa isinagawang crime assessment ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO), lumitaw na kabilang ang rape sa top five most prevalent crimes o limang nangungunang krimen na naitatala na sa lalawigan.

Sa unang limang buwan ng 2015 (mula Enero hanggang Mayo,) umabot na sa 133 ang naitalang kaso ng rape sa probinsya.

Mas mataas umano ito kumpara sa 82 kaso ng rape na naitala noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.

Samantala, nasa 227 robbery incidents naman ang naitala sa Pangasinan sa unang limang buwan ng taong 2015.

Sa nabanggit na bilang, 23 sa mga ito ay nangyari naman sa mga paaralan.

"Sa ginagawa naman natin ngayon na crime prevention caravan, lumalabas tayo sa barangay, schools, kaya nagkakaroon tayo ng maraming report of incidents," paliwanag ni P/Supt. Ferdinand de Asis, PIO, Pangasinan-PPO.

Bukod naman sa krimen, pinag-iingat din ang mga estudyante sa mga sakit tulad ng dengue, typhoid fever at gastroenteritis na nakukuha sa maruming pagkain at tubig.
 
Mula kasi noong Enero hanggang Hunyo ng taong ito, tumaas ng 17 na porsiyento ang naitalang kaso ng dengue sa lalawigan. -- FRJ, GMA News

Tags: rapecase