ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babaeng inagawan daw ng pag-ibig, inatake ng blade ang karibal na babae


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagtamo ng mga sugat sa braso at mukha ng isang babae sa Malabon City matapos na atakihin ng isang babae na armado ng blade.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, ikinuwento ng biktimang itago sa pangalang Marian na nanood siya ng telebisyon sa kaniyang bahay nang pasukin siya at atakihin ng babaeng suspek na itinago sa pangalang Anna.

Patuloy ni Marian, sinabunutan siya ni Anna at pinaghihiwa ng dala nitong blade.
 
Kaagad namang sinaklolohan si Marian ng kinakasama nitong lalaki na si Ralph, na napag-alaman na dati palang kinakasama ni Anna.

Ayon kay Anna, gumanti lang siya kay Marian dahil sa ginawang pang-aagaw nito kay Ralph.

Paliwanag ni Ralph, hindi matanggap ni Anna na may bago na siyang kinakasama.
 
Pero para kay Anna, hindi pa rin malinaw ang estado ng relasyon nila ni Ralph dahil nagpupunta pa rin ang lalaki sa kaniyang bahay.

Subalit ang anak na lang daw nila ni Anna ang pinupuntahan ni Ralph sa bahay ng dating kinakasama.
 
Dahil din sa anak, lumambot ang puso ni Ralph ay hiniling kay Marian na huwag nang ituloy ang reklamo laban kay Anna para makalaya na ito.

Gayunman, buo ang loob ni Marian na kasuhan si Anna kaya mananatili siya sa piitan. -- FRJ, GMA News