Nursing student, binihag ng lalaking armado ng basag na salamin sa Cebu City
Ginulpi ng taumbayan at naaresto ang isang lalaking nang-hostage sa isang 22-anyos na babaeng nursing student sa Cebu city. Ang biktima, nagtamo ng galos sa leeg dahil sa itinutok sa kaniya ng suspek na basag na salamin.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA-Cebu sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, kinilala ang nadakip na suspek na si Peniel Villacampa, tubong Bacolod City.
Ayon sa biktimang na isang nursing student, nag-aabang siya ng masasakyan sa N. Bacalso St. pauwi kasama ang kaibigan nang bigla siyang sunggaban.
Hindi na nanlaban ang dalaga dahil sa basag na salamin na itinutok ng suspek sa kanilang leeg.
Ayon pa sa biktima, nakiusap siya sa suspek na kunin na lang ang kaniyang bag at huwag siyang sasaktan. Pero inutusan daw siya ni Villacampa na pumara ng taxi na masasakyan nila.
Ginawa naman ito ng biktima at kasamang kaibigan pero hindi sila hinintuan ng pinara nilang taxi.
Sa pagkakataong ito, isang patrol car ng Prinsesa Police Station ang napadaan sa kanilang lugar na ikinataranta ng suspek at nabitawan nito ang basag na salamin.
Nakawala rin ang kaniyang biktima at napilitang tumakas ang suspek. Subalit hindi siya nakalayo matapos siyang habulin at abutan ng galit na mga tao na gumulpi sa kaniya.
Bago pa siya mapuruhan ng mga tao, inaresto na siya ng mga pulis.
Panghoholdap ang tinitingnan ng mga pulis sa motibo ng ginawa ng suspek sa biktimang estudyante.
Ngunit depensa ng Villacampa, nagawa lang niya ang krimen dahil gusto niyang makakuha ng masasakyan upang makauwi na siya sa Bacolod.
Dalawang linggo pa lang daw siya sa Cebu city at ilang araw nang hindi kumakain nang wasto.
Nagtatrabaho daw siya bilang construction worker sa isang paaralan sa lungsod. -- FRJ, GMA News