Ano nga ba ang dapat gawin sa 'pambansang photobomb' na Torre de Manila?
Nagpalabas ng desisyon nitong Martes ang Korte Suprema na nag-aatas sa kompanyang DMCI Homes Inc. na pansamantalang itigil ang konstruksiyon sa kontrobersiyal na 46-storey na Torre de Manila condominium, na sinasabing nakasisira sa "view" ng monumento ni Jose Rizal sa Luneta.
Inihayag ni Theodore Te, hepe ng public information office at spokesman ng SC, na ang desisyon ng SC ay ginawa sa pamamagitan ng en banc session. Nakasaad sa desisyon na kinatigan ng mayorya ng mga mahistrado ang kahilingan ng Order of the Knights of Rizal na magpalabas ang korte ng temporary restraining order (TRO) sa ginagawang condominium building.
Ayon kay Te, nakasaad sa botong 8-5 ng mga mahistrado na, "resolved to issue a temporary restraining order effective immediately and until further orders from the court enjoining respondent DMCI Project Developers Inc. from continuing with the construction and development of the Torre de Manila condominium project."
Ang walong mahistrado na bumoto pabor sa TRO kahit wala pang oral argument ay sina Associate Justices Presbitero Velasco, Arturo Brion, Teresita Leonardo-de Castro, Lucas Bersamin, Martin Villarama, Jose Mendoza, Estela Bernabe, at Francis Jardeleza.
Samantala, ang mga mahistrado na hindi pumabor sa TRO habang wala pang oral argument ay sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, at Associate Justices Antonio Carpio, Mariano del Castillo, Jose Perez, at Bienvenido Reyes.
Hindi naman nakaboto dahil naka-leave sina Justice Diosdado Peralta at Marvic Leonen.
Itinakda ang oral arguments sa pagdinig sa usapin sa June 30, na gagawin sa SC Session Hall.
Pinagbigyan din ng SC ang mosyon ng Office of the Solicitor General na hayaan na lamang ang National Commission on Culture and the Arts ang magpadala ng paliwanag kung bakit dapat pigilin ang konstruksiyon ng DMCI.
Una rito, nakasaad sa 26-pahinang petition for injunction sa SC na inihain ng Order of the Knights of Rizal, isang public corporation na may mandato sa ilalim sa Republic Act 646, " to propagate the teachings, life and works of national hero Jose Rizal," na dapat pigilan ang paggawa ng Torre de Manila condominium dahil nakakaapekto ito sa mahalagang "landmark" sa bansa -- partikular ang monumento ni Rizal sa Luneta.
Sa itinuturing ng grupo na "possible historic first," hiniling din nila sa kataas-taasang korte ang pagbigyan ang kanilang petisyon na "writ of pamana" (heritage) o "writ of kasaysayan" (history), bilang legal na paraan upang maprotektahan ang karapatan ng mga mamamayan sa lahat ng, "country's artistic and historic wealth (which) cobstitutes treasure of the nation," sa ilalim ng Section 14, 15, at 16, Article XIV ng 1987 Constitution.
Kapag natapos ang condominium na tinatayang may taas na 138 meters, liliit at magmimistulang "sore thumb, and dwarf" umano ang lahat ng gusali na nakapalibot sa two kilometers radius nito.
Ang ibang gusali umano sa paligid ng condominium ay tinatayang may taas lamang na five storeys o 15 meters.
Babala pa ng grupo, ang Torre de Manila ang magiging "worst precedent imaginable... to devalue historical landmarks," kapag natapos ang konstruksiyon.
Ayon sa petisyon ng grupo, nilabag ng DMCI Homes Manila's zoning ordinance at iba pang batas at mga panuntunan na may kaugnayan sa monumento ni Rizal.
Dati nang binatikos ng ilang opisyal at netizens ang ginagawang condominium dahil nakasisira umano ang gusali sa "view" ng monumento ni Rizal.
Iginiit ng grupo na bilang isang National Cultural Treasure, dapat protektahan ng lubos ang Rizal Monument.
Kabilang umano sa mga nilabag ng DMCI Homes sa paggawa ng Torre de Manila ay ang "Guidelines on Monuments Honoring National heroes, Illustrious Filipinos and Other Personages" ng National Historical Commission of the Philippines, na nagsasaad na dapat mayroong "visual dominance" ang mga kinikilalang monumento sa paligid nito.
Nakasaad din sa Guidelines on Monuments Honoring National Heroes, Illustrious Filipinos and other Personages ng NHCP, na "vista points, and visual corridors to monuments should be clear for unobstructed viewing appreciation and photographic opportunities."
Ikinatuwa naman ng netizens ang naging desisyon ng SC, at nag-trending sa Twitter ang katagang "Torre de Manila."
"I just stopped by the Torre de Manila today. OMG. THE CRANES ARE NOT MOVING. The Supreme Court has spoken," saad sa post ng cultural activist na si Carlos Celdran.
Isa si Celdran sa mga naghain ng reklamo sa lokal na pamahalaan ng Maynila noong 2012 laban sa konstruksiyon ng naturang condominium.
Nauna nang ipinaliwanag ng DMCI na sinunod nila ang lahat ng local zoning and building rules sa pagpapatayo ng naturang gusali. (Basahin: Pics of 'pambansang photobomb' digitally altered, claims Torre de Manila developer)
“Our zoning permit, issued on June 19, 2012, specifically allows us to build 97,549 square meters. This was confirmed when the building permit was issued the following month showing that we were cleared to build a 49-storey project,” saad sa pahayag ng kompanya.
Iginiit din nila na halos isang kilometro ang layo ng kanilang proyekto sa monumento ni Rizal.
"Torre de Manila condominium is almost one kilometer away from the monument and even a bit on the right side. But to grab public attention, some parties took to the unethical approach of virtually juxtaposing pictures of our project right behind the monument,” dagdag pa sa nakaraang pahayag ng kompanya. -- FRJ, GMA News