Babae, patay at walang saplot pang-ibaba nang makita sa loob ng kanilang bahay
Duguan at wala nang buhay nang matagpuan ang isang babae sa loob ng kanilang bahay sa Nabua, Camarines Sur nitong Biyernes ng umaga. Ayon sa ama ng biktima, halos hindi na niya makilala ang histura ng anak.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabi ng ama ng biktima na sira ang pinto harapan ng kanilang bahay.
Ayon naman sa pulisya, may nakita silang dumbbell ilang metro lang ang layo mula sa bahay ng biktima.
Inaalam pa raw ng mga awtoridad kung ginamit ang dumbbell sa krimen.
Lumabas sa imbestigasyon na nakipag-inuman ang biktima sa isang babae at isang lalaki nitong Huwebes ng gabi.
Hawak na ng mga awtoridad ang naturang lalaki pero hindi pa ito nagbibigay ng salaysay.
Inaalam din ng mga pulis kung ginahasa ang biktima dahil wala itong saplot pang-ibaba nang makita ang kaniyang bangkay. -- FRJ, GMA News