OFW sa Kuwait na nais umuwi ng 'Pinas, hinataw daw ng sinturon ng amo sa ulo
Isang Pinay overseas worker ang nakaligtas mula sa umano'y pagmamaltrato ng kaniyang amo sa Kuwait.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing nasa pangangalaga na ng embahada ng Pilipinas ang OFW matapos niyang makatakas mula sa bahay ng amo.
Kuwento niya, may napagkasunduan sila ng kaniyang among babae na petsa kung kailan siya papayagang umuwi ng Pilipinas.
Pero ang naturang kasunduan ay hindi raw nasunod. Gayunman, magmatigas ang Pinay na makauwi sa bansa na ikinagalit ng amo niya at pinaghahampas daw siya ng sinturon sa ulo.
Bukod sa pananakit, pinagbantaan din daw ng amo ang kaniyang buhay.
Tiniyak naman ng embahad ng Pilipinas na tutulungan ang Pinay sa pagsasampa ng reklamo laban sa kaniyang amo.
Nakatakda rin siyang sumailalim sa counseling habang inaasikaso ang kaniyang pag-uwi sa Pilipinas.
Sa video, umiiyak niyang tiniyak sa mga kaanak sa Pilipinas na uuwi siya nang ligtas. -- FRJ, GMA News