ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pekeng bigas mula Davao City, kumpirmado; nalulusaw pala kapag inihalo sa acetone


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Kinumpirma ni Presidential Assistant for Food Security Francis Pangilinan sa isang press conference nitong Biyernes na ang isang sample ng bigas mula sa Davao City ay nagpositibo na may halong plastic o kemikal.
 
Nalulusaw pala ang pekeng bigas na may plastic o resins kapag inihalo ito sa acetone.
 
Ipinakita ni Pangilinan ang dalawang vial o test tube. Ang totoong bigas ay hindi nalusaw sa acetone. Hindi nakumpulang ang mga butil at ang ilang butil ay lumutang-lutang pa.
 
Ngunit ang pekeng bigas na mayroong kemikal na ang ngalan ay “dibutyl phthalate” ay nalusaw nang ihalo sa acetone.


Ang sample ng bigas na hawak ni Food Security Secretary Francis Pangilinan sa kanyang kaliwang kamay ay ang pekeng bigas na nalusaw sa acetone habang ang nasa kanang kamay niya ang totoong bigas. Litratong kuha ni Danny Pata.

 
Ipinaliwanag ni Pangilinan na ang pagkain ng pekeng bigas na mayroong dibutyl phthalate ay hindi magdudulot ng agarang sakit o pagkamatay. Ang epekto umano ng kemikal ay mararamdaman makaraang ang ilang buwan ng pagkain nito—indikasyon na ang naiulat na nagkasakit dahil kumain ng pekeng bigas ay matagal nang kinakain iyon.
 
Kasalukukayang inaalam pa ng National Food Authority (NFA), ang ahensiya ng gobyerno na nagbibigay ng permiso para makapag-import ng bigas, kung saan nanggaling ang pekeng bigas at kung paano ito humalo sa merkado.
 
Maliban sa paggamit ng acetone, hindi madaling makilala ang pekeng bigas, ngunit may paraan, ayon sa NFA.
 
“Yung bigas kasi, kapag natural ang production niya, merong markings yung pinagdugtungan ng ipa kahit gaano kaganda ang milling, naroon pa ring ang groove na tinatawag. Kung yan ay extruded siya or molded, di natin makikita 'yun,” ayon kay Engr. Diocano Alojado, Jr., pinuno ng technical research and laboratory ng NFA.
 
Para sa masusing laboratory testing, kailangan ng NFA ng isang kilong sample ng pinaghihinalaang pekeng bigas.
 
“Maliit ang sample na binigay sa atin mula sa Davao. Nahihirapan ang scientists dahil maliit ang sample,”  paliwanag ni NFA Administrator Renan Dalisay.
 
Dagdag ni Dalisay na “kung mayroon ibang complainant sana matulungan kami sa pamamagitan ng pag-submit ng isang kilogram na uncooked rice.”

Nagpalabas ng isang abiso o advisory ang NFA upang malaman ng publiko kung paano suriin ang bigas na bibilhin at kung paano hunigi ng tulong mula sa NFA.



 
 
Samantala, ipinaliwanag ng Department of Health na masama sa kalusugan ang pekeng bigas, ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy, DOH spokesman.
 
"Kung ang isang bagay ay hindi mo talaga dapat kainin, magdudulot talaga ng problema. Pagdumi, pagsusuka. Maaari pa magdulot ng cancer kung totoong may plastic component.”  — Earl Victor Rosero, GMA News