ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Umano'y pekeng noodles, inireklamo rin sa Davao City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi pa man lubos na naisasara ang imbestigasyon tungkol sa sinasabing pekeng bigas na nabili sa Davao city, ngayon naman, ipinagbigay-alam ng isang residente sa mga awtoridad ang tungkol sa nabili niya na umano'y pekeng noodles naman.

Ayon sa ulat ni Real Sorroche ng GMA-Davao sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, isang nagmalasakit na residente ang nagdala ng sampol ng umano'y pekeng rice noodles sa Davao City Health Office.

Base sa reklamong natanggap ng CHO, tila naging plastik daw ang hitsura ng noodles nang lutuin.



Isinumite na ang sampol ng noodles sa Department of Science and Technology para masuri.

Bumuo na rin ng grupo ang CHO para magsagawa ng pagsisiyasat tungkol sa inireklamong noodles.

Sa ngayon, wala pang natatanggap na report ang CHO kung may nalason o nagkasakit matapos makakain ng kaparehong noodles.

Ilang linggo na ang nakalilipas nang nakatanggap ang CHO reklamo tungkol sa umano'y pekeng bigas o synthetic rice.

Dahil lumabas sa pagsusuri na may halong kemikal na ginagamit sa plastic ang isa sa mga sinuring bigas, pinaigting ngayon ng National Food Authority-Region 11 ang pagbabantay sa mga bigasan.

Iniisa-isa nila ang mga tindahan para kumuha ng sampol ng bigas. Sinusunog nila ang mga ito upang alamin kung matutunaw na parang plastik.

"Ginagawa natin to in order to validate, titingnan natin ang mga public market natin in order also na maka-create tayo ng awareness sa ating mga grains retailer na talagang binabantayan nila ang ating public market," ani Dianne Silva, manager NFA Region XI.

Kasama rin ng NFA sa pagbabantay ang sangay ng kapulisan. -- FRJ, GMA News