ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Walang pekeng bigas sa Davao City, ayon sa mga imbestigador


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag ng mga awtoridad na hindi totoong may ibinebentang pekeng bigas o synthetic rice sa Davao city.

Ito raw ang lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng Special Inter-Agency Task Group na binuo para alamin ang katotohanan sa inireklamong bigas ng isang residente sa Davao city na naging mala-styrofoam daw nang isinaing.

Ayon sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing ibinase raw ng mga imbestigador ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa isinagawang random sampling sa mga bigasan at warehouse sa lungsod.



Sa isinagawang case conference, lumitaw na nag-iisa lamang ang kumpirmadong kanin na nakontamina sa Davao, na pinaniniwalang dulot ng maling pag-iingat o mishandling at hindi rin sinadyang lagyan ng kemikal.

Nauna nang iniulat na nakitaan ng kemikal na dibutyl phthalate ang inireklamong bigas na ginagamit sa pagpapalambot ng plastik.

Pero ayon kay Sr. Supt. Aaron Aquino, pinuno ng inter-agency investigators, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na matagal na nakalagay sa plastik ang kanin at inilagay sa freezer ng ilang araw bago inilabas muli at binuhusan ng mainit na tubig.

Ayon naman kay Dir. Benjamin Magalong, hepe ng CIDG, ginawa nila ang proseso sa ginawang preparasyon sa inireklamong bigas, at ipapadala nila sa Ateneo ang sampol upang isailalim sa pagsusuri ang magiging resulta.

Ang may-ari ng tindahan na si Noel Canencia, na pinagbilhan umano ng inirereklamong bigas, hindi maiwasan na sumama ang loob na madawit sa kontrobersiya.

Aniya, sako-sako ang bigas na kaniyang ibinebenta at imposible na ang 10 kilong bigas lang na nabili ang sinasabing kontaminado. -- FRJ, GMA News

Tags: fakerice