7, patay sa anti-drug operations sa Davao City
Nasa pito katao ang napatay sa magkakahiwalay na anti-drug operation na isinagawa sa Davao City nitong Miyerkules ng umaga. Sinasabing nanlaban umano sa mga awtoridad ang mga nasawi.
Ayon kay Raul Tolibas ng RGMA Davao, ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Davao City police, Criminal Investigation and Detection Group, at Philippine Drug Enforcement Agency.
Sa ulat ng GMA News TV's "News to Go," sinabing ang mga nasawi ay kinabibilangan ng mga tulak at gumagamit ng iligal na droga.
Nasa 35 katao naman ang dinakip kaugnay ng mga isinagawang operasyon na kinabibilangan ng 12 babae.
Ang raid ay isinagawa bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Nakumpiska naman sa raid ang may 200 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride (shabu) at mga baril.
Ang raid ay isinagawa base umano sa search warrant na ipinalabas ng korte. -- FRJ, GMA News