ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang biktima ng macapuno candy, maaari nang lumabas ng ospital


Inaasahang makalalabas na ng ospital ngayong Sabado ang ilan sa mga estudyante na sinasabing na-food poison dahil sa kinaing macapuno candy sa Quezon City.
 
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV's Balitanghali, sinabing masusing koordinasyon ang ginagawa ng Quezon City Health Office at Quirino Memorial Medical Center kaugnay ng nangyari sa mga pasyente.
 
Ayon kay Dra. Pena Linga, pinuno ng QC health office, hinihintay pa QMMC ang resulta ng blood test na isinagawa ng pharmacology department ng Philippine General Hospital sa mga biktima. 
 
Isa sa dalawang pasyente na nasa intensive care unit ang ililipat na umano sa regular ward. Ang isang mananatili sa ICU, stable na ang vital signs. 
 


Apat naman sa walong pasyente na nasa ward ay puwede na umanong makauwi. 
 
Samantala, sinabi naman ni Police Supt. Marlou Martinez, pinuntahan na nila ang pagawaan ng macapuno candy sa Laguna at nakita nilang kumpleto ito sa mga permit.

Gayunman, patuloy pa rin umano ang gagawin nilang imbestigasyon tungkol sa insidente.

Matatandaan na isang lalaki ang nakapasok sa Juan Sumulong National High School noong Huwebes at nagbente umano sa mga estudyante ng macapuno candy. -- FRJ, GMA News