Miriam, pinag-iisipang tumakbo sa pagka-pangulo sa 2016
Inanunsyo ni Sen. Miriam Defensor Santiago nitong Miyerkules na pinag-iisipan niyang tumakbo sa pagka-presidente sa darating na 2016 election, ito'y matapos umanong maipagbigay-alam sa kanya na kontrolado na ang pagkalat ng cancer cells sa kanyang kaliwang baga.
Sa isang press statement, sinabi ng senadora na ayon sa kanyang duktor na si Mark Kris, "cancer growth in her left lung has been arrested."
Si Dr. Kris ay isa umanong kilalang medical oncologist at pinuno ng Thoracic Oncology Service ng Memorial Sloan Kettering Cancer Center sa New York.
Ayon kay Santiago, "I am elated and gratified" sa balitang ito.
Kasabay ng magandang balita ukol sa pagkawa ng kanyang kanser, "happily surprised" din daw siya sa resulta ng survey ng pollster Publicus Asia na nagpapakitang pumapangalawa siya sa mga pinaboran ng mga tinanong kung sino ang gusto nilang maging presidente.
Sa survey na iyon, nangunguna pa rin si Senator Grace Poe. Isinapubliko umano ang resulta ng survey noong July 17.
Noong Disyembre, pumangatlo si Santiago sa Pulse Asia survey, kung saan nangungua sina Vice President Jejomar Binay at Poe.
“To remain in the consciousness of voters despite an absence of over a year is certainly a challenge, including remaining in public service. And I consider it in that light,” ayon kay Santiago, na hanggang sa ngayon ay naka-medical leave sa Senado dahil sa kanyang sakit na cancer. — LBG, GMA News