ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Naaksidenteng Pinoy sa Dubai 'di makauwi sa Pinas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Walang ibang hangad si Eulogio “Jojo" Aquino Jr. sa kanyang pagtungo sa Dubai kundi ang magtrabaho upang kumita ng pera para masuportahan ang pangangailangan ng kanyang dalawang maliliit na supling. Ngunit sa isang iglap, ang maganda niyang hangarin ay naglahong parang bula bunga ng isang trahedya na hindi niya akalaing dadanasin sa bansang napakalayo sa Pilipinas, napakalayo sa pamilya. Ang dating masayahin at puno ng pangarap na si Jojo ay isa na ngayong “gulay" matapos maaksidente ang kanyang sinasakyan habang tinutupad ang tungkulin sa kumpanyang kanyang pinapasukan sa Dubai. Ang masaklap pa, hindi lang ang malusog na katawan ni Jojo ang ninakaw sa naturang insidente, ‘bilanggo’ pa siya ngayon sa ospital kung saan siya nakaratay simula nang naaksidente noong Oktubre 2006— at kapag nagkataon, baka pati ang kanyang buhay. Ang trahedya Sa e-mail na ipinadala sa Pinoy Abroad ng GMANews.TV, nabatid kay Gay A. Reyes ang kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang kapatid na si Jojo na mahigit walong buwan nang nakaratay sa Saqr Hospital sa Ras Al Khaimah. Dahil hindi na stable ang pangangatawan ni Jojo bunga ng matinding pinsalang inabot sa aksidente, kailangan siyang talian sa kama upang hindi mahulog. May mga oras kasi na nagwawala siya at sumisigaw. Mapalad na rin si Gay dahil may doktor na Pinoy sa pagamutan para tingnan ang kalagayan ng kanyang kapatid. Kwento ni Gay, nagtatrabaho bilang “property consultant" si Jojo sa Al Mustajer Real Estate. Oktubre 3, 2006 nang maganap ang bangungot sa kanilang pamilya. Pabalik na sa Dubai si Jojo mula sa Ras Al Khaimah kung saan sinamahan niya ang kliyente ng kumpanya. Pauwi na si Jojo sakay ng kanilang company car nang salpukin ito ng isang pick-up truck. Sa kasamaang palad, napuruhan ang likurang bahagi ng sasakyan kung saan nakaupo si Jojo. “Sa kasawiang palad, ang likod ng sasakyan ang napuruhan kung saan nakaupo ang aking kuya. Hinati po sa apat na bahagi ang sasakyan upang mailabas ang katawan n'ya at in-admit po s'ya sa ICU ng Saqr Hospital," kwento ni Gay, na nagtatrabaho rin sa Dubai. Sumailalim sa mga operasyon si Jojo. At dahil naapektuhan ang kanyang “brain stem," sinabihan si Gay ng Pinoy doctor na kinilala lamang bilang Dr. Donato, na mahihirapan na ang pasyente na makabalik sa kanyang dating buhay. Matagal ding comatose si Jojo at humihinga sa pamamagitan ng makina. Nang makayanan nang huminga sa kanyang sarili, nabuhayan ng pag-asa si Gay na muli nilang makakapiling si Jojo. Ngunit wala umanong makilala ang kapatid, nakatulala, kung minsan ay tumutulo ang kanyang luha at may pagkakataon ding nagsisisigaw. Sa kanyang kalagayan na hindi rin makapagsalita, marahil ang dalawang supling ang dahilan ng pagtulo ng kanyang luha—o maaaring panghihinayang sa pagkawala ng kanyang mga pangarap. Pambayad sa ospital at pamasahe pabalik ng Pinas Kamakailan lamang, nakatanggap ng magandang balita si Gay mula kay Dr. Donato. May mga sandali na nakakakilala na si Jojo at makakausal na rin siya ng ilang salita. Ang balitang ito ni Dr. Donato ay musika sa pandinig ni Gay. Ang bawat magandang balita ay dagdag pag-asa para sa kanila upang makasama pa ang kapatid at makita ng kanyang mga anak na naghihintay sa Pilipinas. Nitong Hunyo, nagbigay na rin ng go-signal ang pagamutan na maaari nang ilabas si Jojo. Maaari na rin siyang ibiyahe sa eroplano basta may kasama at nakahiga sa stretcher. Maganda sanang balita iyon kay Gay dahil maaari na niyang iuwi sa Pilipinas ang kapatid para maalagaan ng husto at maipagpatuloy ang kanyang rehabilitasyon. Ngunit may malaking problema, pera. Malaking bayarin ang naipon sa pamamalagi ni Jojo sa ospital na umabot na ngayon sa halos 10 buwan. Noong Disyembre 2006, sinabi ni Gay na umabot na sa 40,000 AED ang bayarin ng kapatid. Sa pamasahe naman sa eroplano, kakailanganin ni Jojo ang 34,450 AED para maisakay sa Emirates Airline, anim na beses na mas mahal kaysa sa economy class. “May patakaran po ang UAE government na kapag ang pasyente ay 'di gumaling sa loob ng anim na buwan, ang gobyerno po ang sasagot sa lahat ng gastusin sa ospital. Subalit binigyan po ako ng taning na kailangang mailabas s'ya hanggang July 7, 2007 kundi ay magbabayad kami ng napakalaking halaga sa ospital," dagdag pa ni Gay. Sa ngayon, mahigit 2,000 Dirhams pa lang umano ang kanilang nalilikom mula sa tulong na rin ng iba pang mga nagmagandang loob sa kanila. Lumampas na ang taning ng pagamutan para kay Gay upang mailabas si Jojo at makaiwas sa malaking bayarin. Tumatakbo ang oras at nakikipaghabulan rin si Gay sa panahon dahil napaso na rin ang “visit visa" ni Jojo noong Setyembre. Payo sa kanya ng embahada ay asikasuhin ang pamasahe ng kapatid habang umiiral pa ang amnesty program ng gobyerno na tatagal hanggang Setyembre. Dahil hindi “lehitimong" OFW (overseas Filipino worker) si Jojo, walang pinansiyal na tulong na ipinagkaloob ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Ang Embahada naman, tanging “solicitation letter" lang ang iniabot umano kay Gay. Batid ni Gay na may mga magdududa sa kanyang kwento. Kaya naman sa mga nais tumulong ay hinimok niya ang mga ito na pasyalan ang kanyang kapatid sa pagamutan. Para sa isang Filipino na malayo sa sariling bansa, sinabi ni Gay na humuhugot na lamang siya ng lakas sa pananampalataya sa Diyos at suporta ng mga kababayan. Sa ngayon, may mga email na imiikot para ikalat ang kalagayan ni Jojo sa pag-asang pagmumulan ito ng pagbuhos ng suporta sa nangangailangang Filipino. Nakatanggap rin ang Pinoy Abroad ng e-mail mula kina Isabel Saguinsin at Agnes Tuason tungkol sa kalagayan ni Jojo at hinihikayat nila ang mga kapwa Filipino na tulungan si Gay na maiuwi ang kanyang kapatid. - Fidel Jimenez, GMANews.TV