Lola, nahuli na naman sa bahay na ginagawa umanong drug den sa Cebu
Sa ikalawang pagkakataon, nahuli sa anti-drug raid ng mga awtoridad ang isang lola sa Lapu-lapu City, Cebu sa kaniyang bahay na ginagawa umanong drug den.
Sa ulat ni Chona Carreon ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas nitong Huwebes, kinilala ang dinakip na mag-anak na sina lola Victoria Tampus, anak na si Marlon at apo na si Jocelyn.
Bukod sa mga Tampus, apat na iba pa ang nadakip sa raid na isinagawa sa bahay ng matanda sa barangay Looc, Lapu-lapu city.
Itinanggi ni Victoria na may kinalaman siya sa transaksiyon ng iligal na droga sa kaniyang bahay at itinuro nito ang kaniyang anak at apo.
Inamin naman ito ng mag-ama at hiniling na huwag nang isama sa asunto ang matanda dahil na rin sa edad nito.
Pero ayon sa pulisya, ito na ang ikalawang pagkakataon na ni-raid ang bahay ni Victoria dahil sa droga.
Pinakawalaan lang daw ang matanda noong unang raid dahil binigyan ng konsiderasyon ang kaniyang katandaan at problema sa paa.
Ngunit dahil sa muling pagkakaaresto sa kaniya, malaki raw ang posibilidad na tuluyan na siyang sampahan ng reklamo.
Nakuha umano sa bahay ni Victoria ang mga pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P50,000, at isang baril at mga bala. -- FRJ, GMA News