NBI, inutusang mag-imbestiga sa ‘pagdukot’ sa ilang Iglesia ni Cristo ministers
Ipinag-utos ni Justice Secretary Leila de Lima nitong Biyernes sa National Bureau of Investigation na imbestigahan ang mga alegasyon na ilang mga ministro ng Iglesia ni Cristo ang umano'y pinadukot.
"I have already directed the NBI to verify those allegations," ayon kay De Lima, dalawang araw matapos isiwalat ni Cristina "Tenny" Manalo (ina) at Felix Nathaniel "Angel" Manalo (kapatid) ni Executive Minister Eduardo Manalo, ang umano'y pagbabanta sa kanilang buhay.
Humihingi ng tulong sina Tenny at Angel sa pamamagitan ng isang video na na-upload sa YouTube noong Miyerkules ng gabi.
Pero ayon kay De Lima, ang imbestigasyon ng NBI ay "initial" lamang dahil pagpapasyahan naman agad kung magsasagawa ang ahensya ng isang pormal na imbestigasyon.
"Kasi nga ang naging basehan is iyong YouTube video at nagpadala ng email sa amin," aniya, at sinabi rin nitong ang email na natanggap niya noong Huwebes ay mayroong link doon sa YouTube video.
Uminit ang isyu nang isiniwalat ng blog site na "Iglesia Ni Cristo - Silent No More," sa ilalim ng pangalan na Antonio Ramirez Ebangelista, na siyam sa mga ministrto ng Iglesia mula sa iba't ibang probinsya ay ipinadukot at itiniwalag sa organisasyon.
Ang ilan umano sa mga nadukot ay sina Boyet Menorca ng Sorsogon, Joven Sepillo ng Tacloban, at Nolan Olarte ng Cebu.
Noong Huwebes, nakatawag-pansin ang nakapaskil na papel sa saradong glass window sa isang bahay sa loob ng compound ng mga Manalo sa Tandang Sora, Quezon City, na may nakasulat na: "Where are the missing ministers?"
Nauna nang pinabulaanan ni Iglesia ni Cristo General Evangelist Bienvenido Santiago ang mga paratang laban sa pamunuan ng Iglesia.
Pinuntahan ng mga pulis-Quezon City noong Huwebes ng gabi ang Iglesia ni Cristo compound upang tingnan kung totoo ba ang mga bali-balitang may nangyaring abduction at illegal detention doon.
Hindi sila pinayagang makapasok sa bahay sa loob ng compound, ngunit kalauna'y ideneklara nilang walang naka-detine na mga tao sa compound.
Bilang general rule, ayon kay De Lima, maaaring sampahan ng kasong trespassing ang sino mang pumasok sa isang private property na walang permiso sa may-ari.
"Pero may exception iyan under criminal law, under jurisprudence. Kapag may probable cause or may possibility that a crime has just been committed, is being committed or is about to be committed or [what is called] the plainview doctrine, kahit private property iyan ay puwedeng pasukin," paliwanag ng kalihim.
Tungkol naman sa mga alegasyon ng corruption sa loob ng Iglesia, sinabi ni De Lima na may "hands off" policy ang pamahalaan tungkol sa isyu, maliban na lamang kung merong isang taong maghain ng reklamo.
"Sa usapin ng alleged corruption, alleged misuse of funds, iba na iyan. At this point, hindi pa natin puwede pakialaman iyan... kasi private funds are involved," ayon kay De Lima.
"Pero hindi naman namin sinasabi na totally wala na tayo, na hindi na puwede makialam ang gobyerno... [kasi puwede] na may mag-file ng tamang complaint," aniya. Dagdag pa niya na ang maaaring mga reklamo ay mula swindling at estafa hanggang pagnanakaw at pamemeke ng dokumento.
"There is a whole gamut of possible criminal offenses," ayon sa kanya.
Samantala, sinabi ni Ka Angel sa media maaga nitong Biyernes na nilustay ang pera ng grupo at ginastos sa kung anu-anong mga proyekto, kabilang na ang dambuhalang Philippine Arena sa Bulacan.
Nauna nang isiniwalat ni Isaias Samson Jr, dating editor ng "Pasugo" – ang opisyal na pahayagang ng Iglesia – ang umano'y korapsyon ng mga opisyal ng simbahan.
Iginiit din ni Samson na umano'y ipinakulong siya sa bahay (illegally detained) sa utos ng Sanggunian ng Iglesia ni Cristo. Idinagdag din niyang may mga anomalya sa socio-civic program na "Lingap sa Mamamayan" ng organisasyon.
"Tungkol sa pinamamahagi sa Lingap, halimbawa bigas, kahit na makukuha lang ang isang sakong bigas ng P1,700 o P1,750, eh magugulat ka ang ibinayad pala ay P1,900 o P1,950," aniya.
Nakapanayam ng GMA News si Ruel Rosal, uamno'y isang kaanib ng Iglesia na itiniwalag kamakailan. Ayon sa kanya, nagkaaway-away ng founding family ng dahil sa korapsyon ng mga miyembro sa Manalo clan.
Kaya umano nananawagan siya kay Executive Minister Eduardo Manalo na ayusin ang gusot sa kanilang hanay. — LBG, GMA News