ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 patay, 4 sugatan sa engkuwentro ng mga pulis at armadong mga lalaki na plano raw maghiganti


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nauwi sa madugong pakikipag-engkuwentro sa mga pulis sa Pagadian City, Zamboanga del Sur nitong Biyernes ang plano umano ng isang grupo ng mga armadong lalaki na ipaghiganti ang isang kaanak nilang napatay kamakailan.

Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing dalawa ang patay sa engkuwentro, at apat ang nasugatan, kabilang ang isang pulis.

Ayon sa mga awtoridad, sumugod ang may 14 na armadong lalaki sa target nilang bahay sa Barangay Tulawas.



Ang bahay ay sinasabing pag-aari ng suspek sa pagpatay sa isang kaanak ng grupo na napaslang noong Huwebes sa bayan ng Labangan.
 
Pero bago pag-atake, may nakapagtimbre sa pulisya sa plano ng mga lalaki kaya kaagad na nagpadala ng mga pulis sa lugar.

Akma na raw susunugin ng mga sumugod na lalaki ang bahay ng umano'y pumatay sa kanilang kaanak nang sitahin sila ng mga pulis.

Pero bigla raw nagpaputok ng baril ang mga lalaki at nagsimula na ang engkuwentro na tumagal umano ng may dalawang oras.

Nasa kostudiya na ng mga awtoridad ang mga nadakip na lalaki, habang tinutugis ang iba pa nilang kasama na nakatakas. -- FRJ, GMA News

Tags: encounter