ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
2 taon mula nang manalo

Grace Poe, nais ipasibak bilang senador dahil sa citizenship issue


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mahigit dalawang taon mula nang maging number one sa 2013 senatorial race si Sen. Grace Poe, isang natalong senatorial candidate sa nabanggit na halalan ang nagtungo sa Senate Electoral Tribunal na naglalayong ipadiskuwalipika ang una dahil sa usapin ng kaniyang citizenship.

Gayunman, hindi naihain ni Lito David, naging senatorial bet ng Ang Kapatiran, ang kaniyang petisyon dahil hindi nito nabayaran ang P50,000 filing fee na hinihingi ng Senate Electoral Tribunal (SET).

"This is the cost of justice?! Napakamahal naman!," pahayag ni David nang sabihin sa kaniya ni Mae Maglicmot,  staff ng SET tungkol sa halaga ng filing fee.

Bagaman batid daw ni David na may babayaran siyang filing fee, hindi umano niya inasahan na aabot ito sa P50,000.

"Alam ko na may filing fee, but I did not expect it to be that high. Hindi naman ito pormal na protesta na kinukuwestyon ko kung siya ba ay nanalo [o] natalo [noong eleksyon]," paliwanag sa media ni David.

Nang tanungin kung kailangan niya ihahain ang reklamo, sinabi ni David sa mga mamamahayag: "I do not know. Baka gusto niyo mag-contribute ng tig P1,000? Tutal mga nasa 50 naman yata tayo dito."

Petisyon

Sa kaniyang "quo warranto" petition, sinabi ni David na dapat patalsikin si Poe sa Senado dahil nagpakilala ito na isang Filipino citizen gayung ang katotohanan umano ay, "she is using an American passport since 2009."

Ang naturang usapin ay una nang kinuwestiyon ng United Nationalist Alliance (UNA).

"Ang contention ko sa petition na ito, in general, ay si Senator [Poe] Llamanzares has no right to sit in the Senate because she is stateless. She is neither an American citizen nor a Filipino citizen and that is violative of the Constitution," ani David.

Bukod sa paggamit ng American passport, sinabi ni David na si Poe ay hindi natural-born Filipino at nanumpa ng katapatan sa United States.

"Tumakbo siya sa Senado na kulang pa ang residency niya [sa Pilipinas]. She lacked one year of residency... She was a foundling. Naging Filipino lang siya by virtue of adoption," giit ni David.

Ayon kay David, ang quo warranto petition ay karaniwang inihahain para kuwestiyunin ang pananatili sa puwesto ng isang opisyal.

Paliwanag pa nito, kusa ang ginawa niyang paghahain ng petisyon.

"This is a noble act... I don't need somebody else to push me to do this. Ito ay ginawa ko on my own," giit niya.

Plano rin daw ni David na maghain ng reklamo laban kay Poe sa Commission on Elections dahil sa umano'y misrepresentation at falsification of public documents kaugnay sa citizenship issue laban kay Poe.
 
Maghahain din umano si David ng reklamo kaugnay sa pag-upo ni Poe bilang pinuno ng Movie and Television Review and Classifications Board (MTRCB) bago ito naging senador.

"She assumed chairmanship of the MTRCB knowing that she not completely a Filipino citizen," ani David. "Let us remember na hindi pwede ang dual citizenship in hold public office."

Ihahain daw ni David ang petisyon sa kinauukulang korte.

Dati nang ibinasura ni Poe ang mga alegasyon na hindi siya Filipino citizen, at iginiit din matagal na siyang naninirahan sa Pilipinas nang pumanaw ang kaniyang amang si Fernando Poe Jr. noong 2004.

Tatagal ang termino ni Poe bilang senador hanggang 2019. -- FRJ, GMA News