ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Walang tubig

WATCH: Alamin kung kailan mawawalan ng tubig sa inyong lugar


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dahil ilang araw na mawawalan ng suplay ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila at Cavite, kani-kanilang diskarte na ang mga residente. Pero paglilinaw ng Maynilad, rotation o may takdang oras lang na mawawalan ng tubig sa mga apektadong lugar.

Dahil kailangang ilihis ang malaking tubo ng Maynilad para bigyan-daan ang anti-flood project ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mawawalan ng suplay ang ilang residente ng Metro Manila at Cavite sa Agosto 10,13,17 at 18.



Kabilang sa mawawalan ng suplay ng tubig sa buong bayan ng Kawit, Cavite. Pero ngayon pa lang, naghahanda ang ilang residente tulad ng mga taga-barangay Kanluran sa Binakayan sa Kawit.

Ang 83-anyos na si Luding Agustin, ipinakita ang plastic na tapayan na pinuno na ng tubig ng kaniyang anak.

Mabuti na raw na maaga pa lang ay makapaghanda na sila sakaling mawalan ng tubig dahil dalawa na lang daw sila sa bahay.

Si Aling Ruby Pineda, 72-anyos, inihanda na rin ang mga batya, at tapayan na paglalagyan ng reserbang tubig.

Umaasa rin ang mga residente sa mga poso sa barangay na magsisilbing "back up" nila kapag kinapos sila sa inipong tubig.

May pamilya rin gaya ni Laida Paterno, na naghahanda naman at nag-iipon ng malinis na tubig na kanilang maiinom.

Si Aling Josie Carpo, pinapaliguan na ang alagang aso na mahilig daw maligo.

Namigay na rin ang paalala ang mga opisyal ng barangay Kanluran sa kanilang mga nasasakupan kaugnay sa pagtigil ng suplay ng tubig dahil sa kinukumpuning tubo ng Maynilad sa Juan Luna at Hermosa Streets sa Tondo, Maynila.

Kaugnay nito, nilinaw ng Maynilad na rotation o may takdang oras lamang at hindi buong apat na araw mawawalan ng tubig sa mga lugar na maapektuhan ng proyekto.

Ang Muntinlupa City, mawawalan ng suplay ng tubig mula 11:00 a.m sa Aug 10 hanggang 4:00 a.m. sa Aug 12

Mula 1:00 p.m. sa Aug 10 hanggang 2:00 a.m. sa Aug 12 naman mawawalan ng tubig sa mga apektadong lugar sa Caloocan City, Pasay at Maynila, gayundin sa barangay Palanan sa Makati City.

Ang malaking bahagi naman ng Paranaque City, mawawalan ng tubig mula 1:00 p.m. sa Aug 10 hanggang 3:00 p.m. sa Aug 11. Ito rin ang schedule sa malaking bahagi ng Bacoor City, Imus City sa Cavite.

Gayundin sa mga barangay sa Cavite City, Kawit at Noveleta, at sa malaking bahagi ng Rosario, Cavite.

Sa Aug 10 sa ganap na 1:00 am hanggang 1:00 am sa Aug 11, mawawalan din ng tubig sa bahagi ng Alabang at Ayala Alabang sa Muntinglupa City.  Malaking bahagi rin ng Las Pinas City ang mawawalan ng tubig.

Mula 7:00 am sa Aug 11 hanggang 3:00 pm sa Aug 12, mawawalan ng tubig sa ilang barangay sa Paranaque city at barangay 201 sa Pasay City.

Sa Aug 17 mula 1:00 pm hanggang 3:00 p.m. sa Aug 18, walang tubig sa ilang bahagi ng Paranaque at Pasay.

Mawawalan din ng tubig mula 7:00 a.m. ng Aug 11 hanggang 1:00 a.m. ng Aug 12 sa ilang barangay sa Las Pinas.

Mula 1:00 p.m. sa Aug 17 hanggang 11:00 am sa Aug 18, mawawalan ng tubig sa malaking bahagi ng Bacoor City, Imus City sa Cavite.  Gayundin sa Cavite City, Kawit, Noveleta, at Rosario.

Mawawalan din ng suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Muntinglupa City, Manila, Caloocan, Makati at Pasay sa Aug 17 mula 1:00 pm hanggang 5:00 am sa Aug 18.

Sa mga araw na walang suplay ng tubig, magpapadala ng mga trak na may dalang tubig ang Maynilad sa mga apektadong lugar. -- Ian Cruz/FRJimenez, GMA News