Babaeng negosyante, inambush sa Cebu; 2 kasama, patay
Sugatan ang isang babaeng negosyante sa Talisay City, Cebu, habang nasawi naman ang dalawa niyang kasama matapos silang pagbabarilin sa loob ng kanilang kotse.
Sa ulat Chona Carreon ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing nabulabog ang mga motorista sa N. Bacalso Avenue sa barangay Lawaan 1, Talisay City dahil sa sunod-sunod na putok ng baril.
Pinaulanan ng bala ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo ang kotseng sinasakyan ng negosyanteng si Maria Luisa Lapinid.
Nakaupo sa likod ng kotse si Lapinid na nakaligtas sa ambush sakabila ng tinamong tama ng bala sa tiyan.
Pero nasawi ang kaniyang hipag na si Lorna Lapinid at ang kanilang drayber na si Fritz Cobong na kapwa nasa unahan ng sasakyan.
Ayon sa mga saksi, dalawang lalaking nakamotorsiklo ang sumabay sa kotse ng mga biktima.
Ang back rider umano ang may bitbit ng baril at nagpaputok sa mga biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na planado ang pananambang at posibleng miyembro umano ng gun-for-hire group ang mga salarin.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang motibo ng krimen. -- FRJ, GMA News