18-anyos na dalaga na may problema sa pag-iisip, hinalay daw ng kapitbahay
Isang 18-anyos na dalaga na may problema sa pag-iisip ang ginahasa umano ng kapitbahay nilang tricycle driver.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, ikinuwento ng biktima na itinago sa pangalang "Cherry," na bumili siya ng softdrink sa tindahan nitong Lunes ng hatinggabi nang lapitan siya ng suspek at tutukan ng patalim.
Dinala umano ng suspek na kinilalang si Allan Gambal alyas Buboi, si Cherry sa isang bakanteng lote at doon na dalawang beses inabuso.
Ayon pa sa biktima, pinagbantaan siya ng suspek na papatayin kapag nagsumbong ito sa nangyari sa kanila.
Sa kabila ng takot, nagsumbong pa rin si Cherry sa kaniyang mga magulang noong Lunes ng hapon.
Hindi makapaniwala ang mga magulang ng biktima na gagawin ng suspek ang kahalayan dahil nagpupunta umano ito minsan sa kanilang bahay.
Kaagad nagsagawa ng follow-up operations ang Taytay police ngunit wala na ang suspek sa tinutuluyan nito. -- FRJ, GMA News