ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nakaligtas na 29 na SAF troopers sa Mamasapano mission, itataas ang ranggo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag ng National Police Commission nitong Martes na bibigyan ng promosyon ang 29 na kasapi ng Special Action Force ng Philippine National Police na nakaligtas sa isinagawang misyon sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang Enero.

Sa isang pahayag, sinabi ni Napolcom vice chairman Eduardo Escueta na itataas ng isang ranggo ang mga nakaligtas na SAF troopers bilang special promotion.

“The courage displayed by these valiant police officers earned themselves not only the admiration of the members of the PNP but also of the people they had sworn to serve,” ani Escueta.

Ang special promotion ay nakasaad umano sa Republic Act No. 6975, na nagtatakda na "any uniformed member of the PNP who has exhibited acts of conspicuous courage and gallantry at the risk of his or her life will be promoted upon validation by the Napolcom."

Enero 25, 2015 nang salakayin ng PNP SAF ang kuta ng umano'y Malaysian bomb expert na si Zulkifli Bin Hir a.k.a. Marwan sa Brgy. Tukanalipao sa Mamasapano, Maguindanao.

Bagaman napatay ng mga pulis si Marwan, 44 na kasama naman nila ang nasawi matapos makasagupa ang mga armadong grupo na kinabibilangan ng mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Inaprubahan din ng Napolcom ang posthumous promotion sa tinaguriang SAF 44. — FRJ, GMA News