Ilang lugar sa Laoag City, Ilocos Norte, nalubog sa matinding baha
Nakaranas ng matinding pagbaha ang ilang lugar sa Laoag City sa Ilocos Norte dahil sa pag-ulan dulot ng Habagat na pinatindi ng bagyong Ineng. Ang ilang barangay, umabot hanggang bubungan ng kubo ang tubig.
Ayon sa ulat ng GMA's “News TV Live” nitong Biyernes, patuloy ang isinasagawang rescue operation at paghahatid ng tulong ng local City Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga apektadong residente.
May mga residente umano na tumatangging lumikas dahil hindi nila maiwan ang kanilang mga alagang hayop.
Nauna nang iniulat ng Region 1 Office of Civil Defense na dalawa katao ang nasawi at isa ang nawawala sa Ilocos Norte.
Isa sa mga biktima ay motorista na nasawi matapos mabagsakan ng puno sa Pinili-Nueva Era Road.
May mga kalsada rin ang hindi madaanan ng mga sasakyan dahil sa baha.
Maliban sa ulan, nagdulot din ng perwisyo sa lalawigan ang malakas na hangin na nagpabagsak sa mga puno. Ilang lugar na rin ang nawalan ng kuryente
Inaasahang sa Lunes pa ng gabi makalalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Ineng.
-- FRJ, GMA News