Hog cholera at ibang sakit ng baboy kontrolado na - BAI
Kontrolado na ang hog cholera at iba pang sakit na tumama sa ilang babuyan sa lalawigan ng Bulacan at Pampanga noong nakaraang linggo, ayon sa Bureau of Animal Industry sa isang ulat nitong Lunes. Sa ulat kay Agriculture Secretary Arthur Yap, sinabi ni BAI officer-in-charge Davinio Catbagan na hindi na dapat mabahala ang mga tao sa hog cholera, swine-flu at pseudo-rabies virus na tumama sa ilang babuyan sa mga lalawigan sa Gitnang Luzon. Ayon kay Catbagan, hindi na siya umaasa pa sa anumang pagkalat ng mga sakit sa mga susunod na araw matapos ilabas ng BAI ang 5,000 doses ng hog cholera vaccine sa Bulacan. Inutusan na rin si provincial veterinarian Felipe Bartolome upang bigyan ang mga malulusog na baboy ng bakuna upang hindi na mahawahan ng anumang sakit. Batay sa datos ng BAI, 43 barangay sa 11 bayan at isang lungsod sa Bulacan ang apektado ng hog cholera outbreak. Halos 183 hog raisers ang nag-ulat na 2,823 na baboy nila ang apektado ng hog cholera at swine influenza. Sinabi ni Catbagan, ang 2,823 na apektadong baboy ay kumakatawan lamang sa 0.29 porsyento ng kabuuang populasyon ng baboy sa mahigit isang milyong nakatala sa Bulacan. Kamakailan ay sinigurado ng DA ang publiko na hindi maaapektuhan ng hog cholera ang presyo ng baboy sa pamilihan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV