ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

De Lima, 'di raw magbibitiw sa puwesto sakabila ng panawagan ng Iglesia ni Cristo


Inihayag ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi siya magbibitiw sa puwesto. Itinanggi rin niya na may kasunduang nabuo sa nagprotestang religious group na Iglesia ni Cristo.
 
Sa "ambush" interview sa kaniyang tanggapan nitong Martes, tumanggi si De Lima na maglabas ng pahayag tungkol sa limang araw na protesta na ginawa ng mga kasapi ng Iglesia ni Cristo.

Gayunman, pumayag ang kalihim na sagutin ang ilang katanungan ng mga mamamahayag kabilang na ang panawagan sa kaniya ng Iglesia ni Cristo na magbitiw sa puwesto.
 
“Will I be here if I’m resigning? I’m back at work. There’s a lot of work to do after the holidays,” giit ni De Lima.
 
Una rito, iginiit ng Iglesia ni Cristo na dapat magbitiw sa puwesto si De Lima dahil sa panghihimasok umano sa kanilang panloob na usapin.
 
Sinabi ni De Lima na wala ring kasunduan na pinasok ang gobyerno, na sinasabing dahilan kaya itinigil na ng Iglesia ni Cristo ang limang araw nilang protesta.

Inilunsad ng Iglesia ni Cristo ang protesta matapos magsampa ng reklamo sa DOJ laban sa kanilang "Sanggunian" ang dating kaanib na si Cristo Isaias Samson Jr.

Inireklamo ni Samson ng harassment at illegal detention ang Sanggunian, o mga namamahala sa Iglesia ni Cristo.

Nagsimula ang protesta ng Iglesia ni Cristo noong Huwebes sa harapan ng DOJ compound sa Padre Faura Street sa Manila. Kinabukasan, Biyernes ng gabi, lumipat sila sa EDSA, Ortigas, at kusang itinigil ang protesta nitong Lunes ng umaga.

Sinabi ni Iglesia ni Cristo general evangelist Bienvenido Santiago na ititigil na ang kanilang protesta matapos magkausap na ang kanilang liderato at ang pamahalaan.
 
"Nagkausap na po ang panig ng Iglesia ni Cristo at panig ng pamahalaan at sa pag-uusap na ito ay nagkapaliwanagan na po ang magkabilang panig," saad ni Santiago sa recorded message na ipinarinig sa radio dzBB nitong Lunes.
 
"Kaya payapa na po ang lahat. Itong isinasagawa nating mapayapang pagtitipion ay natatapos na po nang mapayapa rin ngayon pong Lunes ng umaga."

Kaugnay nito, nanawagan naman Samson Jr. na ilahad ng Malacañang kung totoo na may kasunduang nabuo sa pakikipag-usap sa Iglesia ni Cristo.

"Ang amin po sanang pakiusap ay maging transparent ang Palasyo, ang Malacañang, doon sa naging agreement kung mayroon man," saad ni Samson.

Una rito, nangangamba ang abogado ni Samson na mabasura ang reklamo nito laban sa Iglesia ni Cristo dahil sa sinasabing kasunduan, na itinanggi na rin naman ng Palasyo. -- FRJ, GMA News