ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Suspek, nakasalubong pa ng biktima

Lalaki, nagkunwaring bisita sa kasal para makapagnakaw


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakunan sa closed-circuit-television camera ang taktika ng isang lalaki na nagkunwaring bisita sa kasal para mapagnakaw ang tunay na mga bisita sa pinagdausang reception sa Maynila. Ang suspek, nakasalubong pa ang kaniyang mga biktima nang patakas na ito bitbit ang tinangay na mga bag.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, ipinakita ang video kung saan nakunan ang suspek na paikot-ikot sa reception ng kasal na nangyari umano nitong Huwebes.



May dalang backpack at bulaklak ang lalaki, at nagawa pang bumati sa ibang bisita.

Nang makita nito na mayroong mga bisita sa kasal na tumayo sa lamesa para pumunta sa photo booth, dali-daling sumalisi ang suspek at tinangay ang dalawang bag ng mga biktima.

Makikita sa video na nakasalubong pa ng mga biktima ang papaalis na suspek pero hindi nila napansin na tangay na nito ang kanilang bag.

Ayon kay Chief Inspector Alexander Rodrigo, Manila Police District Theft and Robbery Chief,  ang nangyaring pagnanakaw ay katulad nang ginawang pananalasi sa kasal noong nakaraang taon na aabot umano sa kalahating milyon ang nakuha ng suspek na nagpanggap na ninang sa kasal.

"Ang itsura niya parang ninang sa kasal din. Tapos sinalisi niya habang busy yung ano dahil siyempre tatayo yung ibang ninang, makikipagbeso-besong ganyan, maiiwan yung bag. Pinitik. Binitbit na parang siya yung may-ari," ani Rodrigo.

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang pulis sa publiko na maging maingat at mapagmasid kahit sa mga lugar na inaakalang ligtas.

"Remember na ngayon, marami nang modus," Rodrigo said. —FRJ, GMA News

Tags: hulicam