Mister, inireklamo ng rape ng sarili niyang misis
Hindi sapat na dahilan ang pagiging mag-asawa para pilitang makipagtalik ang kabiyak. Sa Aguilar, Pangasinan, bumagsak sa kulungan ang isang lalaki matapos ireklamo ng panggagahasa ng sarili niyang maybahay.
Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing hindi na raw masikmura ng ginang ang ginagawang pang-aabuso sa kaniyang mister lalo na kapag nalalasing.
Ayon sa pulisya, inirereklamo ng ginang na nabababoy na umano siya sa ginagawa sa kaniya ng mister lalo na kapag lasing.
Napag-alaman na dati nang ipinakulong ng ginang ang mister dahil sa pamumuwersa nito na makipagtalik sa asawa.
Pero nakalaya noon ang lalaki matapos napatawad ng babae.
Gayunman, muli raw bumalik ang masamang ugali ng mister kaya muli niyang ipinakulong.
Sa pagkakataong ito, desidido ang ginang na makulong ang mister para mapangalagaan na rin daw ang kanilang mga anak na pawang babae.
Nakiusap naman ang mister na patawarin siya ng asawa. -- FRJ, GMA News