Ilang punerarya, ipinasara dahil salaula raw ang operasyon sa QC
Limang punerarya sa Quezon City ang ipinasara ng mga awtoridad dahil sa pagiging salaula umano sa kanilang operasyon. Ang ilan sa mga punerarya, may katabi pa raw na mga kainan.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing ipinasara ng Quezon city Health Department dahil sa paglabag sa kalinisan at maayos na operasyon ang Urban, Cinco, RPL, Grace at Villamor funeral homes.
Kabilang umano sa paglabag na nakita sa ilang puneraryang ininspeksyon ay ang paglalagay ng lamang-loob ng tao sa kaldero, paglalagay sa timba ng dugo ng tao at may fetus na inilagay sa garapon.
Ayon kay Ramon Matabang, director ng civil registrar office ng Quezon City, hindi dapat inilalagay sa kung saan-saan ang mga lamang-loob ng bangkay at sa halip ay isinasama dapat ito sa libing.
Bukod sa bagsak sa sanitasyon, wala rin umanong panibagong business permit ang limang punerarya matapos i-revoke noong Pebrero dahil sa mga paglabag.
Kaya irerekomenda ng mga nag-inspeksyong opisyal ng city hall na tuluyang ipatigil ang operasyon ng limang punerarya.
Nakasaad sa implementing rules and regulations ng Presidential Decree 856 o ang Code on Sanitation of the Philippines na walang anumang bahagi ng katawan ng yumao ang maaring tanggalin ng embalsamador.
Dapat na may maayos na drainage at disposal system ang mga funeral home at hindi iniimbak sa timba ang inalis na dugo sa bangkay.
Bukod sa nakitang paglabag sa pag-asikaso sa mga bangkay, lantad din umano sa panganib ang kalusugan ng mga nagtatrabaho sa mga punerarya dahil wala silang protective equipment.
Posibleng malagay din umano sa panganib ang kalusugan ng mga residente na malapit sa mga punerarya lalo pa't mayroon katabing kainan ang ilan sa kanila. -- FRJ, GMA News