Pulis at jail officer, patay matapos magkahiwalay na tambangan sa Caloocan at Navotas
Magkahiwalay na tinambangan at napatay nitong Huwebes ang isang jail warden at isang pulis sa Navotas at Caloocan City. Ang pagpaslang sa pulis na aktibo raw sa operasyon kontra sa kriminalidad, ay nakunan sa closed-circuit television camera.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing binaril ng suspek dakong 9:00 a.m. sa Pagasa St., Caloocan si SPO1 Rodrigo Antonio. Nangyari ang krimen hindi kalayuan sa bahay ng biktima.
Base sa kuha ng CCTV, tila inabangan ng suspek si Antonio na papasok na noon sa trabaho. Kahit nakatumba na, pinaputukan pa muli ng salarin ang biktima.
Tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo.
Bukod sa suspek, iimbestigahan din ng mga awtoridad at aalamin kung sino ang may-ari ng isang asul na pick-up na nakasabay ng suspek.
Aalamin ng mga imbestigador kung may kaugnayan sa trabaho ang pagpaslang kay Antonio na sumasama umano sa mga sensitibong operasyon ng pulisya kontra sa kriminalidad.
Samantala, umaga rin ng Huwebes nang barilin at patayin sa barangay Sipac-Almacen sa Navotas si Jail Inspector Leo Jaucian.
Dalawang buwan pa lang umano si Jaucian na natatalaga sa Navotas City Jail bilang warden, at katatapos pa lang ng duty nang barilin ng nakatakas na suspek.
Ayon sa pulisya, tila pinag-aralan ng suspek ang kilos ng biktima.
Dalawang anggulo umano ang pinag-aaralan ng mga imbestigador sa posibleng motibo sa krimen para matukoy ang salarin. -- FRJ, GMA News