ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hospital bed sa San Lazaro, kinukulang na raw dahil sa dami ng dengue patients


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinakapos na ng higaan ang San Lazaro Hospital sa Maynila dahil sa dami ng mga pasyenteng may dengue na dinadala sa pagamutan. Bawat araw, tinatayang nasa 60 pasyente ang ina-admit umano sa ospital na may dengue.
 
Dahil sa kakulangan ng higaan, sinabi sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Miyerkules, na ilan sa mga dengue patient ay sa mga folding bed na nakapuwesto.



Inukupa na rin ng mga pasyenteng may dengue ang tetanus room ng ospital.

Ayon kay Dr. Ferdinand de Guzman, ng Family Medicine Dept., ng San Lazaro Hospital, tinatayang nasa 140 hanggang 150 katao ang nagpapakonsulta sa pagamutan dahil sa dengue bawat araw.

Sa naturang bilang, hindi umano bababa sa 60 hanggang 70 ang kanilang ina-admit sa pagamutan.
Ilan daw sa mga pasyente ang galing pa sa mga lalawigan tulad ng apo ni Susana Valdez na nagmula sa Bayambang, Pangasinan.

Kuwento ni Valdez, napilitan silang bumiyahe sa Maynila dahil puno na rin ng pasyente na may dengue ang mga pagamutan sa Bayambang.

Dahil sa dami ng kaso ng dengue, muling nagpaalala ang Department of Health sa publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran para hindi pamugaran ng mga kiti-kiti at mga lamok na posibleng magdala ng dengue virus.

Pinayuhan din nila ang publiko na kaagad kumonsulta sa duktor sakaling makaramdam ng anumang sintomas ng dengue. -- FRJ, GMA News