ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Nahimasmasan sa simbahan

Buntis at 2 kaanak, biglang nagwala matapos umanong sapian sa Iloilo City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Magkakasunod na nagwala ang tatlong magkakaanak na kinabibilangan ng isang bata at buntis, matapos umanong sapian ng espiritu sa Iloilo city.

Sa ulat ni Julius Belacaol ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas nitong Miyerkules, ipinakita ang video footage sa chapel ng barangay Sooc, Arevalo District, Iloilo city, kung saan dinala ang tatlong magkakamag-anak kung saan sila dinasalan.



Paniwala kasi ng mga kaanak at kapitbahay, sinapian ng espiritu ang tatlo kaya biglang nagwala.

Kuwento ni Lola Concha, hindi niya tunay na pangalan, noong Huwebes pa nagsimulang makaramdam ng kakaiba ang walong-taong-gulang niyang apo.

Sumunod naman na nagpakita ng kakaibang pagkilos ang isa pa niyang apo na nagdadalang-tao. Makaraan ng ilang oras, nagwala na rin daw ang kaniyang manugang.

Dahil dito, nagdesisyon na ang kanilang pamilya na dalhin ang tatlo sa simbahan para madasalan.

Nahimasmasan naman ang tatlo matapos na dalhin sa simbahan at pinayagan na silang makauwi pero patuloy na babantayan.

Wala pang pahayag ang simbahan kaugnay sa nangyari pero una nang sinabi ng ilang pari at doktor na hindi dapat agad maniwala sa sapi.

Posible raw kasi na ang pagwawala ng mga sinasabing sinasapian ay dala lang ng labis na pagod o depresyon.

Mahalaga umano na nagkakausap ang pamilya tungkol sa mga problema ng bawat isa at dapat ugaliin ang pagdarasal. -- FRJ, GMA News

Tags: possession, sanib