Traffic sa Metro Manila, pinakamalala sa buong mundo —Waze
Pinakamalala sa lahat ng mga siyudad sa buong mundo ang trapik sa Metro Manila, na sinundan ng Rio de Janeiro at Sao Paulo sa Brazil, at Jakarta sa Indonesia, ayon sa Waze—isang online application na panukat ng daloy ng traffic at pagbibiyahe sa loob ng mga siyudad.
Ipinakikita rin ng pinakahuling Global Driver Satisfaction Index ng Waze na pinakamahirap para sa mga driver ang mag-drive sa mga kalsada sa Pilipinas dahil malimit na mabigat ang daloy ng trapiko, hindi magandang mga daan, at iba pang dahilan.
Trapik sa Metro Manila
Kabilang din ang Latin American countries—kasama ang El Salvador at Guatemala, sa mga pinakamababa ang score sa listahan ng Waze.
Kahit nangunguna ang Metro Manila sa mga siyudad na malala ang daloy ng trapiko, walong siyudad naman sa Indonesia ay may kahalintulad na traffic situation. Nangangahulugan ito na sa naturang bansa mararanasan ang "dreadful driving experience" kung "country-wide worst driving situation" ang pag-uusapan.
Ginawa ang assessment ng Waze sa pamamagitan ng 50 million users sa 32 na mga bansa at 167 na metropolitan areas, gamit ang grading system mula 10 (satisfying) hanggang 1 (miserable).
Nakakuha umano ang Pilipinas ng 0.4, sinudan ng Guatemala at Venezuela; El Salvador, Ecuador, at Colombia; Indonesia; Romania; Costa Rica; at Panama.
Samantala, ang Netherlands, Slovakia, Sweden, at Czech Republic ay nagtala ng "easy and satisfying driving experience," kabilang din ang United States at France —na may maliliit na mga siyudad na may angkop na mga imprastraktura para sa mahusay na transportasyon.
Ayon sa Waze, ang katamtamang "commuting time" sa Metro Manila ay aabot sa 45.5 minutes, ang pinakamatagal na commute time sa karamihan ng mga malalaking siyudad sa buong mundo.
Nakakuha rin ang Pilipinas ng mababang marka sa Road Quality Index, at sa Socio-Economic Index na ibinatay sa access sa mga sasakyan at epekto nito sa presyo ng langis.
Kung Safety Index naman ang pag-uusapan, ayon sa Waze, ang Pilipinas ay may pinakaligtas na mga kalsada, batay sa bilang mga mga aksidente sa daan, road hazard, at lagay ng panahon.
Sa ganang ito, nakakuha ang Pilipinas ng 9.3 na score, sumunod lamang ito sa Costa Rica, Netherlands, at Argentina.
Pinakamataas din ang Pilipinas sa Drivers Services index, batay sa access sa gas stations at mga paradahan.
Hanggang hapon nitong Huwebes, hindi pa nakapaglabas ng komento ang Metro Manila Development Authority at PNP Highway Patrol Group hinggil sa ulat ng Waze. — LBG, GMA News