ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Duterte, tatakbong pangulo sa 2016, ayon sa political adviser


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag nitong Sabado ng isang kilalang political adviser na kakandidatong pangulo ng bansa sa darating na May 2016 national elections si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
 
"Yes," tugon ng tagapayong politikal na si Lito Banayo nang tanungin ng GMA News Online kung sasali sa panguluhang halalan sa 2016 si Duterte.
 
Gayunman, hindi masabi ni Banayo kung kailan pormal na magdedeklara ng kaniyang kandidatura sa pagkapangulo si Duterte.
 
Nitong Biyernes, sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag sa Davao City na hihintayin niya ang October 15 bago magpasya kung tatakbo o hindi sa panguluhang halalan.
 
Magsisimula ang paghahain ng certificates of candidacy sa Commission on Elections sa October 12 at magtatapos sa October 16.
 
Ilang ilinggo na ring hinihintay ng mga tagasuporta ni Duterte ang kaniyang pinal na desisyon kung tatakbo siya sa panguluhang halalan.
 
Ayon kay Banayo, wala pang desisyon kung sino ang posibleng maging running mate ni Duterte.
 
Kabilang sa mga nagpahayag ng tatakbong bise presidente na nais makatambal si Duterte ay sina Sens. Alan Peter Cayetano at Bongbong Marcos.

Ngayon pa lang, may mga poster nang makikita sa Metro Manila na magkasama sina Duterte at Cayetano.

Nagbigay naman ng ilang pangalan si Banayo na posibleng makasama sa senatorial slate ni Duterte. Kabilang dito sina:
 
Sarangani Rep. Manny Pacquiao
Former senator Panfilo Lacson
Sen. Sergio Osmeña III
Manila Vice Mayor Isko Moreno
Former senator Miguel Zubiri
Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez
at dating police official and ACT-CIS party-list Rep. Samuel Pagdilao
 
Ayon kay Banayo, ang nabanggit na mga pangalan ay "initially agreed" sa pulong na ginanap sa Davao City noong Miyerkules ng gabi na dinaluhan mismo ni Duterte. — FRJ, GMA News