Away ng ilang HS students sa loob ng silid-aralan, nauwi sa trahedya
Isang 14-anyos na high school student na lalaki ang nasawi nang mabagok ito sa sementadong sahig nang awatin habang nakikipag-away umano sa kamag-aral sa loob ng silid-aralan sa Sta. Maria, Bulacan.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing naganap ang trahediya sa Sta. Maria National High School nitong Huwebes ng tanghali, kung saan nasawi si Rioben Santor, Jr.
Sa inisyal na imbestigasyon ng school division ng Department of Education (DepEd-Bulacan), recess nang mangyari ang insidente kaya wala umanong guro sa silid-aralan.
Paliwanag naman ni Larry Lagman, principal ng paaralan, may umawat at pilit na inihiwalay si Santor at sa kaaway nito.
Pero sa kasamaang-palad, nawalan ng balanse ang dalawa at natumba, at doon na nabagok si Santor na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na ito nasagip pa.
Itinanggi ni Lagman na nagkaroon sila ng kapabayaan sa nangyari.
Nais ng pamilya ng biktima na mapanagot ang eskwelahan dahil nangyari sa loob ng silid-aralan ang insidente.
Pero naniniwala si Bernadette Tamayo, assistant school division, DepEd-Bulacan na, "Wala nang pananagutan doon kasi free time, wala namang teacher na in charge kapag free time."
Nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development ang mga batang sangkot sa insidente.
Ang pamilya ng isa sa mga suspek, humingi ng tawad sa nangyari dahil hindi umano kagustuhan ng mga bata na masawi ang biktima. -- FRJ, GMA News