ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
9 pa, sugatan

Sundalo, nag-amok sa loob ng kampo; limang kasamahan, napatay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Anim na sundalo, kabilang ang dalawang opisyal, ang nasawi habang siyam na iba pa ang nasugatan matapos mag-amok at mamaril ang kasamahan nila sa loob ng kampo militar sa Sumisip, Basilan nitong Huwebes.

Ayon kay Col. Benjamin Jao, tagapagsalita ng Philippine Army, kabilang sa anim na nasawi ang nagwalang sundalo na may ranggong corporal, na napatay ng mga rumespondeng sundalo.
 
Kagagaling lang daw sa bakasyon ng suspek na hindi tinukoy ang pangalan.

"Naka-assign siya sa Bravo Company, ang trabaho niya is mortar section, bawat isang kumpanya natin merong mortar section so gunner siya ng mortar section. 'Yon lang ang impormasyon na natangap namin," pahayag ni Jao.

Hindi pa malinaw kung ano ang dahilan ng pagwawala ng suspek.

"According sa nakuha naming impormasyon, pagbalik niya raw galing sa bakasyon, tahimik. Nung nagkakaroon ng activity sa battalion, nagkakaroon ng bible study, nagpunta raw siya sa likod pagkatapos biglang pumutok," ani Jao.

"Right now ang 64th Infantry Battalion ay nagko-conduct ng investigation," dagdag ng opisyal.

Kabilang sa mga nasawi ang dalawang opisyal na may ranggong first at second lieutenant.
 
"Ang ranggo ng unang opisyal na namatay is second lieutenant, nung umaga pa lang, nung nangyari, apat ang namatay tapos 'yung dalawang nadagdag ito yung mga seriously wounded. Yung pangalawang namatay is a first lieutenant," ayon kay Jao.

Kabilang sa siyam na sugatan ang isang sibilyan na dinala sa headquarter ng 104th Infantry Brigade sa Isabela City bago inilipat sa military station hospital sa Zamboanga City.

"We believe it is an isolated incident but we will look closer into its medical and psychological aspect in order to determine the root cause of the case," patuloy ni Jao.

"The Philippine Army is going to provide necessary assistance to the families of the victims," dagdag niya. — FRJ, GMA News

Tags: amok, crime