ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 bangkay natagpuan sa Sta. Cruz, Manila


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

"Babala sa lahat ng tirador: Huwag ninyo ako tularan, mandurukot ako ... Bilang na ang oras ninyo, yan ang aral ninyo." Ito ang nakalagay sa isa sa dalawang hinihinalang biktima ng “summary execution" na natagpuan nitong Biyernes ng umaga sa Sta. Cruz, Manila. Ayon sa ulat ng radio dzBB, isang placard na may mensahe ang nakalagay sa leeg ng babaeng biktima na nakasuot ng blue shorts at sky-blue shirt. Mayroon ding tattoo sa katawan nito na tanda na siya ay miyembro ng “Batang City Jail" gang. Hindi binanggit ang kasarian ng isa pang napatay. Batay sa ulat, mayroong tama ng saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan ang mga hindi pa nakikilalang biktima. Sa kasalukuyan, wala pang umaamin sa pagpatay. Naganap ang sinasabing summary execution matapos sabihin ni Manila Mayor Alfredo Lim sa mga kriminal na “cooperate or evaporate." Samantala, may nakita namang dalawa ring hinihinalang biktima ng summary execution sa bakanteng lote sa Sta. Lucia Subdivision sa Greater Lagro nitong Martes. Nakitang may nakabalot na plastic bag sa ulo ang mga biktima samantalang nakatali pa ang kanilang mga kamay. Ayon sa paunang report, hindi nakitaan ng anumang tama ng bala o baril ang mga biktima. Tatlong linggo na ang nakalilipas, limang katao naman ang natagpuang patay sa Tanauan City at Talisay sa Batangas. Pinangangambahang sumailalim sa “summary execution" ang lima na pawing may mga tama ng bala sa katawan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV