ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Inakusahang nagbenta ng pekeng tiket ng 'Sa Tamang Panahon' show, biktima rin daw


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Lumantad na at nagpaliwanag ang isang menor de edad na lalaki na inakusahan ng isang "AlDub" fan na nagbenta umano ng mga pekeng ticket ng "Eat Bulaga: Sa Tamang Panahon" show na ginanap nitong nakaraang Sabado.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, ipinaliwanag ng 17-anyos na lalaki na itinago sa pangalang JP, na biktima rin lang daw siya at mayroong gumamit ng kaniyang pangalan at mga litrato sa Facebook para manloko.



Ilang araw na raw hindi makatulog at halos 'di makalabas ng bahay si JP dahil sa takot makaraang kumalat sa social media ang kanyang litrato at pangalan na umano'y nag-aalok ng mga pekeng ticket sa nabanggit ng show ng "Eat Bulaga" na ginawa sa Philippine Arena.

Upang malinis ang pangalan, pinili ni JP na magtungo na sa Anti-cyber Crime Division ng pulisya kasama ang kaniyang mga magulang para ireklamo ang nagnakaw umano ng kaniyang identity.

"Para naman po malinis name ko kasi sa akin po ibinibintang na scammer daw po ganun...kahit po ako fan din po ako ng AlDub, nakakapanood din ako, pero wala po akong ginagawa na ano...Dahil po sa Facebook bakit nagkaganun," pahayag niya.

Bago nito, nagreklamo muna sa mga awtoridad ang AlDub fan na si Syril Guevarra dahil tinangka raw siyang bentahan ng mga pekeng ticket sa Facebook ng taong kapangalan ni JP.

Bagaman hindi nakabili ng mga pekeng tiket, laking gulat ni Guevarra nang malaman niya na may gumamit sa Facebook ng kaniyang pangalan at larawan at bina-bash na ng ilang netizens dahil sa mga pekeng tiket.

Ayon kay JP, hindi siya nagbenta ng anumang tiket at hindi rin niya kilala si Guevarra. Pero nagpadala raw siya ng private message sa dalaga nang mapanood niya ito sa balita at tinutukoy ang kaniyang pangalan na nagbenta ng mga pekeng tiket.

"Tingin ko po dinuplicate po (ang FB account) na may gumamit ng pangalan ko tapos lahat po kinopya," aniya.

Maging sa lider ng barangay sa lugar ni JP, tiniyak na walang masamang record sa kanila ang menor de edad.

Ikinatuwa naman ni Guevarra at ama nito ang paglantad ni JP para malinaw ang usapin. Kapwa sila humingi ng paumanhin sa binatilyo.

"Kung parehas man tayong biktima, sana kung sino man ang nasa likod nito (panloloko) sana tumigil na. Saka wala na rin naman, tapos na rin naman yung concert dun sa tamang panahon," anang dalaga.

"Kung hindi man ikaw 'yon (scammer) pasensiya pero parehas tayong biktima," dagdag ni Guevarra. -- FRJ, GMA News