ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bagong hepe ng MMDA, tinukoy na ni Aquino


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

May napili na si Pangulong Benigno Aquino III na kapalit ng nagbitiw na si Francis Tolentino bilang pinuno ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Sa pagdalo niya sa 50th founding anniversary ng Eastern Samar nitong Biyernes, sinabi ni Aquino sa mga mamamahayag na si Atty. Emerson Carlos ang bagong pinuno ng MMDA.

“Ang ating MMDA Chairman si Atty. Emerson Carlos, dating assistant general manager for operations siya. Ito inirekomenda ng outgoing—yung dating ating Chair na si Francis Tolentino. Permanent si Atty. Carlos,” paliwanag ng pangulo.

Si Carlos ang naging officer-in-charge ng MMDA matapos magbitiw si Tolentino dahil sa pagtakbong senador sa darating na May 2016 elections.

Ngunit bago magbitiw, nasangkot si Tolentino sa kontrobersiya dahil sa umano'y malaswang pagsasayaw ng isang grupo ng kababaihan sa pagtitipon ng Liberal Party sa Laguna.

Problema sa trapik

Naitanong din kay Aquino kung pamamahalaan na ni Carlos ang sitwasyon sa trapiko sa Metro Manila, lalo na sa gaganaping Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders Week sa Pasay City sa ikatlong linggo ng Nobyembre.

Ayon sa pangulo, bukod sa pangmatagalang solusyon, kasama sa pinag-aaralan nila ang mga mabilisang programa na makatutulong upang maibsan ang pagsisikap ng trapiko sa Metro Manila.

“Halos every other week yata meron kaming meeting ng traffic. Si CabSec ang isang nakatutok rin dito sa traffic situation...['Yung] traffic nga sa labas, hinahanapan ng dagdag pang makukuha nating solusyon dito sa problemang ito,” patungkol niya kay Cabinet Secretary Jose Rene Almendras.

Dagdag niya, "Hinahanap natin hindi yung pangmatagalang solusyon, nandiyan na e. Maraming tinatayo na kayo na mismong testigo. Yung pangmatagalang solusyon, hindi matutugunan yung kasalukuyang problema." -- FRJ, GMA News

Tags: mmda