ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga tauhan ng New Bilibid Prison, babalasahin —Olaguer


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinumpirma ni Bureau of Corrections spokesman at New Bilibid Prison chaplain Msgr. Roberto “Bobby” Olaguer ang  napipintong balasahan ng mga personnel ng NBP.

Ito'y matapos makasamsam ang mga awtoridad sa raid noong ika-5 ng Nobyembre ng matataas na kalibre ng mga baril, limang 12-gauge shotguns, isang 30-caliber carbine, 45-caliber pistols, 38-caliber revolvers, gun silencer, 50,000 piraso ng sari-saring mga bala, 60 na mga patalim, at sex toys sa loob ng isang abandonadong kubol ng Commando Gang leader.

Sa isa na namang raid noong ika-11 ng Nobyembre, nakasamsam na naman ang mga awtoridad ng iba’t ibang cellphones, iligal na droga, mga patalim, isang TV set at air-conditioning unit sa selda ni dating Calauan mayor Antonio Sanchez.

Nilinaw naman ni Msgr. Olaguer na ang reshuffle sa mga kawani ng NBP ay nakabatay sa resulta ng isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga empleyado at opisyal na may tunay na kinalaman sa pagpapapasok ng mga kontrabado sa loob ng kulungan.

“So far, pinaplano [ng NBP director] na pwedeng mangyari yun depende sa kalalabasan ng investigation, kasi alam na natin kung papaano nakapapasok yung mga baril," aniya.

"Yung mga kontrabando na hindi pa natin ma-identify, at yung mga taong behind dun sa pagpasok ng mga iyon ... pag-na-identify [na] ay aalisin o ililipat, pero halos monthly nga nagre-reshuffle ng mga tauhan…” dagdag ni Olaguer sa panayam ng Radio Veritas.

Batay sa inisyal na tala, umabot na rin sa mahigit P400,000 cash ang nakumpiska mula sa mga kubol sa Quadrant 4 ng NBP, kasama rin ang sari-saring appliances.

Iginiit din ni Olaguer na kahit karaniwan na ang pagsasagawa ng reshuffling sa NBP, hindi pa rin umno ito naging epektibo dahil na rin sa kakulangan ng mga tauhan ng bilangguan.

Sa kasalukuyang tala, isang gwardya ang nagbabantay sa kada 30 na bilanggo, pero ang dapat ay isa sa bawat walong preso upang mabantayan ng husto ang mga ito. — LBG, GMA News