'Gapos Gang' na nagpakilalang mga pulis, umatake sa Quezon City
Tinatayang aabot sa kalahating milyong pisong halaga ng mga gamit ang natangay ng tatlong miyembro ng "Gapos Gang" na nagpakilalang mga pulis nang pasukin ang bahay ng kanilang biktima sa Quezon City nitong Martes.
Sa ulat ng GMA News TV's QRT nitong Miyerkules, ipinakita ng biktima ang "scotch tape" na ginamit ng mga suspek para sila igapos.
Ayon sa biktima, nagpapagawa sila ng aircon nang biglang dumating ang tatlong lalaki na nagpakilalang mga pulis at pumasok sa kanilang bahay dahil may hinahabol daw na drug lord.
Nang makapasok sa bahay, naglabas na umano ng baril ang mga suspek at iginapos na sila at ipinasok sa isang kuwarto.
Kasunod nila ay nilimas na ang mga suspek ang mga gamit sa kanilang bahay na tinatayang nagkakahalaga ng kalahating milyon.
Dahil sa nangyari, may natutunan daw na leksiyon ang biktima na lagi umano nilang iniiwan na nakabukas ang gate sa kanilang bahay kaya madaling nakapasok ang mga suspek at nakikita ang mga gamit sa loob. -- FRJ, GMA News