ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Death penalty sa mga dayuhang tulak ng droga, suportado ng anti-crime group


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Suportado ng isang anti-crime group ang isinusulong na panukalang batas sa Kamara de Representantes para patawan ng parusang kamatayan ang mga dayuhang mapapatunayang nagtutulak ng iligal na droga sa bansa.

Sa ulat ng GMA News Balitanghali nitong Martes, sinabing aprubado na sa House committee on dangerous drugs ang House Bill 1213, na naglalayong patawan ng parusang kamatayan ang mga dayuhang mapapatunayang nagtutulak ng bawal na gamot sa Pilipinas.

Pero nakapaloob sa panukala na inihain ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, na papatawan lang ng parusang kamatayan ang dayuhan kung mayroon ding umiiral na parusang kamatayan sa bansang pinagmulan nito para sa katulad na krimen.

"This is a special case only involving foreigners who's national laws likewise provide the death penalty," paliwanag ng mamababatas. " Because it in equal for us that our Filipinos, Filipinas in these countries are meted out the death penalty if they are in drug trafficking. While they in the Philippines will just get life imprisonment."

Ayon pa kay Rodriguez, target ng panukala ang mga dayuhang nagtutulak ng droga dahil nagmimistula na umanong "haven" ng iligal na negosyo ang Pilipinas.  Patunay dito ang malalaking bulto ng mga nakukumpiskang iligal na droga sa mga isinagawang raid kung saan nadadakip ang mga dayuhan na mula sa Mainland China, Nigeria, Taiwan at Mexico.

Ang grupong Volunteers against Crime and Corruption o VACC, suportado ang panukalang batas at nais nilang magsagawa ng online petition para maibalik ang parusang kamatayan lalo na sa mga drug offender.

"Mag-a-outreach program kami to get signatures, endorsements, support para i-endorse itong bill," ani Boy Evangelista, board member at spokesman ng VACC. "Ito 'pag ito napasa, it will send a very strong message dito sa illegal drug syndicates na talagang may paglalagyan sila."

Samantala, nagpahayag naman ng pagtutol ang Pro-life Philippines sa naturang panukalang batas at iginiit na sistema ang problema at hindi ang batas sa Pilipinas.

"Whether foreigner or local, dapat pantay ang pagbigay ng punitive action, ani Eric Manalang, presidente ng Pro-life PHL."Kasi mahina ang ating pag-regulate ng drugs at paghabol ng puno't-dulo nito ay mga drug lords"

Mula sa komite, tatalakayin pa ang panukalang batas sa buong plenaryo ng Kamara para muling pagdebatihan kung dapat itong aprubahan.

Kailangan din maaprubahan sa Senado ang hiwalay na bersiyon ng nabanggit na panukalang batas. -- FRJ, GMA News