Jason Ivler, hinatulang guilty ng korte sa road rage shooting
Guilty ang naging hatol ng korte kay Jason Ivler dahil sa pagbaril at pagpatay sa anak ng isang dating opisyal sa gobyerno noong 2009.
Nakapaloob sa hatol ni Judge Luisito G. Cortez ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 84, ang pagpataw ng parusang pagkakakulong ng hanggang 40 taon kay Ivler.
"Wherefore, in light of the foregoing considerations, the Court...finds accused Jason Ivler y Aguilar guilty beyond reasonable doubt of the crime of murder and hereby sentence him to suffer the penalty of imprisonment of reclusion perpetua," saad sa 48-pahinang resolusyon ng korte.
Naging tahimik naman si Ivler nang basahan ng hatol sa QC Hall of Justice building nitong Martes.
Nanindigan siya na walang kasalanan.
"For this [case] I am not guilty...They said in court it is automatically appealed," maigsing pahayag ni Ivler nang ilabas ng korte ng kaniyang mga security escort.
Ang kasong pagpatay laban kay Ivler ay bunsod ng pagbaril umano nito at pagkamatay Renato Victor Ebarle Jr., anak ni dating Presidential chief of staff Renato Ebarle Sr.
Sinasabing binaril ni Ivler si Ebarle Jr. matapos ang away sa trapiko noong November 18, 2009.
Binigyang-bigat ng korte ang testimonya ng mga saksi na sina dating Senior Police Officer 3 Edgar Tiodin at ang sibilyang si Archie Castillo, na kapwa positibong itinuro si Ivler na bumaril sa biktima.
“The Court finds that foregoing testimonies of witnesses SPO3 Tiodin and Castillo should be given full credence absent any taint of ill-motive on their part to fabricate stories or implicate the accused to a serious crime of murder,” saad sa desisyon ng korte.
“Their detailed narrations of what transpired on the night of November 18, 2009 in the place of the shooting incident show the manner on how the victim Renato Ebarle Jr. was killed. In this case, the testimony of one witness corroborate the other witness’ testimony,” dagdag pa sa resolusyon.
Bukod sa parusang pagkakakulong, inatasan din ng korte si Ivler na bayaran ng danyos ang pamilya Ebarle ng kabuuang P9.373-milyon.
Mula sa Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, ipinalilipat ng korte si Ivler sa Bilibid National Penitentiary sa Muntinlupa City.
Ikinatuwala naman ni Ebarle Sr. ang desisyon ng korte na nagpalakas umano sa kanilang pananalig sa hustisya.
“Masaya ako, though it was an agonizing long-drawn case. But we are satisfied with the outcome. That will strengthen my belief in our judicial system,” ani Ebarle Sr., na hindi dumalo sa paglabas ng hatol kay Ivler.
“We are taught to forgive, but as a father, you should understand yung suffering na dinaanan ng family namin – the emotional and mental pain. Hindi mo basta basta masasabi na mapapatawad mo yung tao. Hindi ko pa nga siya kayang makita,” paliwanag ng nakatatandang Ebarle
Dagdag pa niya, “My only regret is there is no more death penalty now. I’m quite certain kung meron tayong death penalty, the court will render a death penalty sentence to him.”
Samantala, sinabi ng mang-aawit at tiyuhin ni Ivler na si Freddie Aguilar, na dumalo sa pagdinig, na iginagalang nila ang desisyon ng korte pero umaasa silang mababago ang hatol sa Court of Appeals.
“Siyempre nalulungkot tayo, pero iginagalang natin ang desisyon ng hukuman. Si Jason naman handa naman siya kung ano man ang maging desisyon. In fact binulungan niya pa nga ako before habang nakaupo siya, bago siya lumabas [ng courtroom]. Sabi niya ‘it’s okay tito, we will appeal the case’,” ayon kay Aguilar. —FRJ, GMA News