US soldier Pemberton, hinatulang guilty sa pagpatay kay 'Jennifer' Laude
Hinatulan ng korte sa Olongapo City nitong Martes na "guilty" sa kasong pagpatay sa Pinoy transgender woman na si Jeffrey "Jennifer" Laude si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Nakapaloob sa hatol ni Judge Roline Jinez Jabalde ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74, ang parusang pagkakakulong ng anim hanggang 12 taon para kay Pemberton dahil sa pagpatay kay Laude na naganap sa loob ng isang motel sa Olongapo noong Oktubre 2014.
Iniutos din ng korte na dalhin si Pemberton sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City, at pinagbabayad siya ng P4.5 milyon bilang danyos sa mga naulila ni Laude.
"All circumstances form a chain that leads to reasonable conclusion that Pemberton is responsible for the killing of Laude," saad sa desisyon ni Jabalde na binasa ni Clerk of Court Gerry Gruspe.
Nais ng prosekusyon na mahatulan si Pemberton sa mas mabigat na kasong murder. Pero aminado ang private prosecutor na si Atty. Harry Roque na hindi nila maiaapela ang hatol dahil sa usapin ng "double jeopardy."
Tumagal ng may siyam na buwan ang marathon trial sa kaso ni Laude na nagsimula noong Marso 2015. Sa ilalim ng Visiting Forces Agreement ng Pilipinas at US, dapat matapos ng mababang korte ang paglilitis sa isang akusadong sundalong Amerikano sa loob ng isang taon.
Sa proseso ng paglilitis, lumitaw na nagkakilala sina Pemberton at Laude sa isang bar at nagkasundong magtalik sa isang motel. Sa loob ng motel, natuklasan ng sundalo na lalaki ang biktima na dahilan para saktan niya ito na humantong sa pagpatay.
Nakita ng tauhan ng motel si Laude na patay na sa loob ng banyo.
Sa testimonya ni forensic expert Raquel Fortun, sinabi nito na namatay si Laude sa pagkakasakal at hindi sa pagkalunod dahil nakita ang bangkay ng biktima sa tabi ng inidoro.
Mula sa US Navy ship kung saan siya unang idinetine, inilipat si Pemberton sa isang US facility sa Camp Aguinaldo. -- FRJ, GMA News