Mga pagi, lantarang ibinebenta sa palengke sa Mandaue, Cebu
Kinumpiska ng mga awtoridad ang 49 na piraso ng pagi na ibinibenta sa Mandaue Public Market sa Cebu.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabi ng Cebu Provincial Anti-Illegal Fishing Task Force na tumitimbang ang mga nasabat na pagi nang mahigit 50 kilo.
Ang mga pagi ay nakuha sa tinderang si Ely Hontilla, ng barangay Labogon, na dati na raw binigyan ng babala laban sa pagbebenta ng pagi.
Pinagmulta si Hontilla ng mahigit P50,000.00 bilang paglabag sa ordinansa.
Tumanggi siyang nagbigay ng pahayag.
Mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng isang ordinansa na ipinasa ng Cebu ang paghuli at pagbenta ng shark species, kabilang na ang pagi.
Samantala, isinailalim sa state of calamity ang tatlong bayan sa lalawigan ng Aklan dahil sa epekto ng red tide toxin sa mga baybayin doon.
Ayon sa Sangguniang Panlalawigan, apektado ng red tide ang kabuhayan ng nasa 2,000 pamilya.
Ang pondo na makukuha sa calamity fund ay gagamitin para matulungan ang mga apektadong residente.
Batay sa pag-aaralan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ang mga lugar na lubhang naapektuhan ng red tide ay ang Batan, Altavas, at New Washington. -- FRJ, GMA News