Batang babae sa Bulacan, patay sa tama ng ligaw ng bala
Isang siyam na taong gulang na babae sa Bulacan ang unang naitalang nasawi sa selebrasyon ng kapaskuhan sa bansa matapos tamaan ng ligaw na bala.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, sinabing tinamaan ng ligaw na bala sa likuran noong Disyembre 24 ang biktimang si Nora Cruz, habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay na malapit sa Ipo dam.
Dinala si Cruz sa ospital at inoperahan pero binawian siya sa mismong araw ng Pasko.
Sa tala ng Department of Health (DOH), si Cruz ang unang biktima na nasawi sa pagdiriwang ngayong panahon ng kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon.
Dahil sa nangyari, muling nanawagan ang DOH sa mga may hawak ng baril na maging responsable, at hinikayat ang publiko na lalong maging mapagmatyag.
"May namatay, hindi dala ng firecracker, kundi dala ng stray bullet na kailangan ring tutukan ito. May naninisi na naman na uniformed armed personnel. Tandaan natin na may hawak ng baril na hindi uniformed armed personnel," anang tagapagsalita ng DOH na si Dr. Lyndon Lee Suy.
"Meron ding mga pribadong tao na may mga baril na maaaring may makaalitan, mga sinalubong (ang Disyembre) 24, magpa-Pasko na, magpapaputok. Sana yung pag-fire mo ng ganun, 'di ba, kung sa ere mo inano 'yan, hindi mo naman alam kung sino tatamaan. Eh kung anak mo ang tatamaan nito?" dagdag niya.
Hanggang 6 a.m. nitong December 29, nakapagtala na ang DOH ng 131 insidente ng fireworks-related injuries. Mas mababa ito ng 21 porsiyento kumpara sa bilang ng mga naputukan noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Sakabila nito, nangangamba pa rin ang DOH na baka tumaas ang mga biktima ng paputok sa pagsalubong sa bagong taon hanggang sa unang araw ng 2016.
Nanawagan ang DOH sa mga lokal na pamahalaan na manatiling mapagmatyag laban sa mga nagbebenta ng iligal na paputok. —FRJ, GMA News