Pahayag ni PNoy na 'magpapasagasa sa tren,' hindi dapat gawing 'literal'— Coloma
Muling ipinaliwanag ng isang opisyal sa Palasyo na hindi "literal" ang mensahe ng naging pahayag ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na "magpapasagasa" ito sa tren kasama si Transportation Secretary Emilio Joseph "Jun" Abaya kapag hindi nagawa ang Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite Extension pagkatapos ng 2015.
Sa pulong balitaan sa Malacañang nitong Martes, sinabi ni Communications Secretary Herminio "Sonny" Coloma, na ginawa ni Aquino ang naturang pahayag sa isang pagtitipon sa Cavite noong 2013 dahil sa pagnanais ng punong ehekutibo na maisakatuparan ang naturang proyekto.
"Seryoso siya (Aquino) doon sa determinasyon na mabigyan ng isang mahusay na mass transport system. Unawain lang ng ating mga kababayan na hindi ganoon kadali ‘yung pagbubuo ng ganyang proyekto. Ngunit dahil desidido ang pamahalaan ay buo naman yung determinasyon na maipatupad ito at makumpleto," ayon sa opisyal.
Sa naturang pagtitipon, sinabi ni Aquino sa mga dumalo na, "Pagdating naman ng 2015, hindi lang natin mapapabilis ang biyahe mula Baclaran hanggang Bacoor kundi madadagdagan din tayo ng tinatayong 250,000 na pasahero ang maisasakay kada araw dahil sa LRT Line 1 extension."
Patuloy ng pangulo sa nabanggit na pagtitipon, "At 'pag hindi ho nangyari ito, nandiyan po si Secretary Abaya na mangangasiwa ng proyektong 'to, dalawa na kaming magpapasagasa siguro sa tren."
Paliwanag din ni Coloma, nang gawin ni Aquino ang naturang pahayag ay binubuo pa lang ng DOTC ang gagawing pagpapa-bidding sa proyekto na magduduktong ng LRT Line 1 na mula Monumento hanggang Baclaran, patungo sa Bacoor, Cavite.
Kasama rin umano sa gagawing disenyo ng extension project na duktungan ang biyahe mula sa Bacoor hanggang hanggang Dasmariñas. Pero marami umanong dapat ikonsidera sa proyekto gaya ng pagtaya sa dami ng mga sasakyan, ilan ang mga bagon na kakailanganin, saan at anong klase ang mga magiging istasyon, at maraming iba pa.
Noong Setyembre lang umano naibigay ang proyekto sa Ayala at Metro Pacific consortium at sa ka-partner na Macquarie Investments.
"Ang ipinapakita ng lahat ng aksyon na ito ay yung buong determinasyon ng pamahalaan na mapahusay yung sistema ng transportasyon. Baka naman mas lohikal o mas makatwiran na hindi naman maging literal yung interpretation natin, at unawain natin na gustong-gusto talaga ng pangulo na mapahusay yung serbisyo doon," ani Coloma.
Sa nakaraang mga pahayag, ipinaliwanag ni Abaya na naatala ang proyekto dahil sa mga kabiguan sa proseso ng bidding sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) Program.
"When the president made that announcement we were still leading up to the bid. No one plans for a failure of bid. We were highly guarding the passenger side, no one showed up at the day of bidding," anang kalihim noong Hulyo.
Gayunman, inaasahan niya na magsisimula ang paggawa sa proyekto sa unang bahagi ng 2016.
"Again, this is a PPP project. They are talking to their creditors, they are doing financial close... but I know its 2016 -- either first or second quarter," aniya. -- FRJ, GMA News