ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
20 sakay, sinagip

Roller coaster sa Subic, tumirik nang patiwarik


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinailangang sagipin ang 20 sakay ng isang roller coaster sa Subic, Zambales nang magkaaberya ito at tumirik sa tuktok ng "loop" ng may isang oras nitong Lunes.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News 24 Oras nitong Marter, sinabing naganap ang insidente sa Subic Fiesta Carnival sa Olongapo city.

Sinasabing highlight umano ng roller coaster ride ang pagtigil nito ng ilang segundo pagdating sa tuktok ng loop at nakabaligtad ang mga nakasakay.

Pero nang makarating na ito sa tuktok, tumigil ngunit hindi na umandar kaya naghiyawan na takot ang mga nakabaliktad na sakay.

Nagtulong-tulong naman ang SBMA police, SBMA rescue at iba pang rescue team para isa-isang maibaba ang mga na-trap na sakay ng roller coaster gamit ang isang basket lift.

Naging makapigil hininga umano ang pagbukas ng safety gate at safety restraints sa mga sakay, na lahat ay ligtas na naibaba.

Ayon kay Vic Vizcocho Jr., na kumuha ng video ng insidente, nagtuloy-tuloy pa rin ang operasyon sa ibang rides sa carnival kahit isinasagawa ang pag-rescue sa mga nakasalay sa roller coaster.

Ininspeksyon naman ng SBMA Engineering at Occupational Health and Safety Department ang karnabal, at hinarangan na ng police tape ang nagkaaberyang super loops.

Habang isinasagawa ang imbestigasyon, sinabi ni Dr. Solomon Jacalne, SBMA Health and Safety Dept., na suspindido muna ang operasyon ng mga aerial rides gaya ng super loop, ferris wheel, at iba pa.

Patuloy na kinukunan ng GMA News ng pahayag ang operator ng carnival na RPQ Rides and Amusement Corporation. Pero inaasahang isusumite rin nila ang resulta ng sarili nilang imbestigasyon sa nangyari. -- FRJ, GMA News