Giant lapulapu at iba pang ‘monsters from the deep’
Kabilang ang climate change sa mga naging mainit na usapin ngayong 2015. May kinalaman din kaya ito sa sinasabing pag-init ng karagatan at maging dahilan para lumutang ang mga malalaking isda na karaniwang daw na naninirahan sa kailaliman ng karagatan?
Nitong lang Disyembre, isang dambulang sunfish o mola-mola na tinatayang may bigat na 300 kilo ang buhay na nahuli sa karagatang bahagi ng barangay Bago Aplaya sa Davao City.
Sa nakalipas na mga buwan, ilang sunfish din ang nakitang patay o nanghihina sa mga baybayin sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.
Bukod sa mola-mola, tila nagiging karaniwan na rin na makakita ng mahahabang oarfish, na karaniwang matatagpuan sa malalim na bahagi ng karagatan.
Noong Setyembre, isa na namang mahabang oarfish ang nahuli sa karagatan ng Bugasong, Antique. Ito na raw ang ika-limang oarfish na nakita sa lalawigan sa taong 2015.
Ang isa pang oarfish ay nakita naman sa baybayin ng Belison.
May nakita ring oarfish sa baybay ng barangay Binangbang Centro sa bayan ng Barbara at binuhat ito ng mga residente para makita kung gaano kahaba ang isda.
Dambuhalang lapu-lapu naman ang nalambat sa karagatang sakop ng Calabangga, Camarines Sur.
Sa laki ng isda, halos hindi na ito magkasya sa sidecar ng tricycle na nalambat ng mga mangingisda.
Sa isang episode din ng Kapuso Mo. Jessica Soho, tinalakay ang pagkakakita ng malaki ring lapu-lapu sa karagatan ng Antique.
Katunayan, isang patay na lapu-lapu na tinatayang pitong talampakan ang haba ang nakita umano sa baybay ng lalawigan.
Nagulat naman ang isang mangingisda sa Cagayan de Oro city noong Marso nang sumabit sa lambat niya ang isang malaking isda na kakaiba ang hitsura.
Nang dalhin ng mangingisda sa tabing-dagat ang nahuling isda, nalaman niya mula sa mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, na ito ay isang pambihirang "megamouth" shark.
Karaniwang naninirahan ang naturang pating sa ilalim ng dagat kaya bihira umanong makita.
Isang dambuhalang "megamouth" shark din ang nalambat ng mangingisda sa Pio Duran, Albay.
Sa laki at bigat ng pating, mahigit 10 katao ang kinailangan para madala ito sa tabing-dagat.
Sa Samal, Davao naman, namangha ang mga mangingisda sa malaking "malasugue" o blue marlin na kanilang nahuli noong Marso.
Sa Isla Suerte naman sa Davao City, isang isda rin na may kakaibang hitsura ang natagpuan ng mga residente sa dalampasigan.
—FRJ, GMA News