ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspek sa pananaksak at pagpatay, dinakip sa mismong lamay ng biktima


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nadagdagan ang hinagpis ng pamilya ng isang lalaki sa Caloocan City na sinaksak at napatay noong bagong taon. Ayon kasi sa isang saksi, ang kapatid mismo ng biktima ang salarin kaya dinakip ito habang naglalamay nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing nakonsensiya ang saksi na isang tricycle driver kaya nagsumbong ito sa pulisya para mabigyan ng hustisya ang biktima at kaibigan niyang si Ramon Diaz.

Ang itinuro niyang sumaksak umano kay Ramon, ang kapatid nitong si Odonell Diaz, na mas kilala rin daw sa tawag na "Buboy."

Kuwento ng saksi na tumangging pabanggit ang pangalan, naganap ang krimen noong gabi ng Enero 1 sa Sta. Quiteria sa Tullahan Road, Caloocan.

Pasahero umano niya nang gabing iyon ang biktima, pati na ang suspek at asawa't anak nito.

Laking gulat daw ng saksi nang makitang duguan na ang kaibigan, at may hawak daw na patalim ang suspek.

Ayon sa pulisya, nagtugma ang kuwento ng saksi sa kuha sa closed-circuit-television camera kung saan nahagip ang pagbagsak ng isang lalaki at pagpigil ng dalawang tao sa isang lalaking tangka pang lapitan ang biktima.

Dagdag ng saksi, nabanggit sa kaniya ng biktima ang tungkol sa alitan nila ng kapatid na suspek dahil sa minana nilang bahay at lupa.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang paratang sa kaniya, at hindi umano niya malaman kung bakit siya idinidiin sa pagkamatay ng kapatid.

Umaasa naman ang pamilya ng biktima na lalabas ang katotohanan, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya. -- FRJ, GMA News