13-anyos na babae, ginahasa umano ng textmate
Inaresto ang isang lalaki sa Asingan, Pangasinan matapos na ireklamo ng panggagahasa ng kaniyang ka-textmate na babae na 13-anyos pa lang.
Ayon sa ulat ni Alfie Tulagan ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas nitong Huwebes, kinilala ang inarestong suspek na si Jeffrey Catuiran, magsasaka.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi ang biktima mula sa eskwelahan para mananghalian nang abangan daw ng suspek at pilit na isinama sa bahay.
Napilitan daw ang dalagita na sumama dahil sa pananakot ng suspek na may mangyayari sa kaniyang pamilya kapag hindi sumama.
Sa bahay umano ng suspek naganap ang panghahalay.
Nang makauwi ang biktima, nagsumbong ito sa kaniyang pamilya sa nangyari.
Humingi naman sila ng tulong sa mga pulis at naaresto ang suspek sa follow-up operation.
Lumabas din sa medico legal examination na positibong ginalaw ang biktima.
Bagaman inamin ng suspek na isinama niya sa kaniyang bahay ang dalagita, idinahilan naman nito na sadyang nagpasundo ang biktima para kumain sila sa bahay.
Pero nakasaad sa sinumpaang salaysay ng biktima na tinakot siya ng suspek kaya siya sumama. -- FRJ, GMA News