ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

100 Abu Sayyaf kasama ng MILF sa July 10 Basilan encounter


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inamin ng isa sa apat na Abu Sayyaf suspects sa pamumugot ng mga Marines sa Basilan na may 100 miyembro ng kanilang grupo ang sumali sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa paglaban sa pwersa ng gobyerno noong July 10 sa bayan ng Al Barka. Sinabi ni Buhari Jamiri, sa isang panayam sa hindi tinukoy na lugar, na may 100 armadong Abu Sayyaf “reinforcements" ang tumulong sa MILF nang pasukin ng Marines ang teritoryo nila sa Basilan. Itinanggi ni Jamiri na may kinalaman siya sa insidente. Pinabulaanan ng MILF na nakipagsabwatan sila sa Abu Sayyaf lalo pa’t hindi nila kinukunsinti ang pamumugot ng ulo sa kanilang grupo. Sina Buhari, Nurhasan Jamiri, Umair Indama at Suaib Kalibon, ang ilan sa mga pinangalanan ng gobyerno na responsable sa pagpugot ng ulo sa 10 Marines na kabilang sa 14 na namatay sa bakbakan noong nakaraang buwan sa Basilan. Dalawang saksi, isa diumanong sibilyan at isang miyembro ng MILF, ang nakakita sa insidente. Sinabi pa ni Buhari na ginamit niya ang 80 hanggang 100 bala mula sa kanyang M-16 sa kasagsagan ng tatlong oras na labanan noong July 10. Iginiit nito na nakaupo lamang siya sa isang briefing sa loob ng kampo ng MILF nang maganap ang labanan. Pinag-usapan sa briefing ang mga paraan upang depensahan ng MILF ang sarili laban sa Marines. Tumuloy muna si Buhari sa bahay ng kanyang pinsan na isa ring miyembro ng MILF, upang takasan ang pagkakakulong sa kasong pagpatay niya diumano sa dating mayor ng Tuburan noong 1991. Itinanggi niya rin ang pagkakasangkot sa insidente. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV